Kinumusta ni Cubao Bishop Elias Ayuban Jr. ang konsensya ni Sen. Pia Cayetano matapos ang madamdaming talumpati nito sa plenary session ng Senado noong Mayo 20.
Sa isang Facebook post ni Bishop Ayuban kamakailan, inungkat niya kay Sen. Pia ang mga pangalang biktima ng karahasan na aniya’y matagal nang ibinaon ng mga balita.
“Kumusta ang iyong konsensya?” anang obispo. “Dinadalaw pa rin ba ng mga pangalang matagal nang ibinaon ng balita? Kian, Carl, Reynaldo at ang libu-libong iba pa na hindi man lamang naisulat nang buo sa pahina ng kasaysayan.”
“Pero ang bayan ay may mahabang alaala. At ang dugo, kahit takpan ng talumpati at kamera, ay marunong sumingaw sa pagitan,” dugtong pa niya.
Kaya pinayuhan ni Bishop Ayuban ang senadora na bago nito hanapin ang mga kabarong senador noong gabi ng putukan sa Senado, lingunin muna nito ang mga gabing tahimik itong nakatingin habang ang mga dukha ay unti-unting inililibing.
“Kumusta ka? Sapagkat hanggang ngayo’y iyan din ang tanong ng mga inang walang puntod na madalaw nang payapa, ng mga batang naulila sa gitna ng kampanya, at ng isang bayang matagal nang sugatan ngunit pinipilit pa ring manahimik,” dugtong pa ng obispo.
Nag-ugat ang emosyunal na mga pahayagi ni Sen. Pia sa binigkas na privilege speech ni Sen. Risa Hontiveros na nanawagang huwag dedmahin ang nangyaring Senate shooting incident noong Mayo 13.
Kabilang sa mga hinimutok ni Sen. Pia ay ang kawalan umano ng pangangumusta ng mga kabaro niya sa kanilang mga miyembro ng Senate majority bloc na inabutan noon ng putukan.
Ngunit batay sa kumalat na screenshot mula sa group chat ng mga senador, mababasang nagpadala ng mensahe ang ilang miyembro ng Senate minority bloc para magpaalala na mag-ingat.
Maki-Balita: Sey mo, Sen. Pia? Screenshots ng pangungumusta ng ilang mga senador sa gc, kalat na!