Usap-usapan ng mga netizen ang pagkalat ng ilang screenshots na nagpapatunay na nangumusta ang mga senador mula sa minority bloc sa mga kasamahan nilang senador sa bagong majority bloc na naiwan sa Senado noong Miyerkules, Mayo 13, nang maganap ang putukan sa loob ng premises nito.
Noong Miyerkules, Mayo 20, emosyunal na nag-react si Sen. Pia Cayetano sa naging privilege speech ni Sen. Risa Hontiveros, na nananawagan sa liderato ng Senado na huwag balewalain ang nangyaring shoot-out, dahil batay raw sa obserbasyon ng huli, ay "parang wala raw nangyari" sa pagdaan ng mga araw.
Dito na nag-react si Sen. Pia, at lumuluhang sinabing takot na takot daw siya nang mga sandaling iyon, at naglabas din ng sama ng loob na hindi man lang daw nangumusta sa kanila ang mga dating kasamahan sa majority bloc, na naging kaibigan daw niya sa loob ng mahabang panahon.
Agad namang nagbigay ng reaksiyon sa mga naging pahayag ni Sen. Pia si Sen. Risa at sinabing ang pinatutungkulan niya ay ang mandato ng Senado na magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa nangyari sa kanilang institusyon, bagama't kinikilala umano niya ang nararamdaman ng mga kasamahang naiwan nang mangyari ang insidente.
Matatandaang sa pamamagitan ng Facebook post isang araw matapos ang nabanggit na kaguluhan, ipinaliwanag ni Sen. Risa na kaya wala ang mga senador sa minority nang sandaling maganap ang shoot-out, ay dahil nauna na silang magsiuwi dahil tapos na ang sesyon.
Sumalag din si Sen. Erwin Tulfo sa mga naging pahayag ni Sen. Pia at sinabing nangumusta sila sa mga kasamahan nila sa kanilang chat group sa WhatsApp kung saan, nakapag-reply pa rin si Sen. Camille Villar.
“‘Yong kaniyang emosyon po ay siguro po dala po ng takot, pero nung sinabi niya po na wala pong nangumusta, mayro'n po kaming ika nga, chat group po sa WhatsApp,” ayon kay Tulfo.
Dagdag pa niya, kabilang sa mga nagpadala ng mensahe mula sa dating majority bloc sina Sen. Kiko Pangilinan, Sen. Bam Aquino, Sen. Risa Hontiveros, at Sen. Win Gatchalian.
Ayon kay Tulfo, tumugon din si Sen. Camille Villar sa group chat upang ipabatid na ligtas sila matapos ang insidente.
"Pagkatapos sumagot po si Senadora Camille [Villar] at sabi niya, 'Thank you, we're all okay.' Nag-message naman po kami sa WhatsApp group po namin, ewan ko po kung bakit hindi po nabasa ni Senator Pia po yun," saad pa ni Tulfo.
Maki-Balita: Hindi nabasa ni Sen. Pia? Sen. Erwin, iginiit na nangumusta sila sa 'gc' noong Senate shooting
Samantala, ilang media news outlet na rin ang naglabas ng ilang screenshots ng chat group ng mga senador kung saan makikitang ilang miyembro mula sa minority bloc ang nangumusta sa mga kasamahan nilang naiwan sa Senate premises nang nagkakagulo na.
Sa ibinahaging screenshot ng GMA News, makikita sa convo ng chat group na sinabi pa ni Sen. Jinggoy Estrada na may pagkain sa lounge, na sinundan naman ng pagtiyak ni Sen. Camille Villar na okay naman sila.
Mababasa namang nagpadala si Sen. Win Gatchalian, Sen. Migz Zubiri, at Sen. Bam Aquino ng mensahe na nagsasabing sana raw, ligtas ang lahat sa Senado nang mga sandaling iyon.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Sen. Pia tungkol sa isyu.