Sa gitna ng naging emosyonal na pahayag ni Sen. Pia Cayetano sa Senado kaugnay ng nangyaring putukan noong nakaraang linggo, pinabulaanan ni Sen. Erwin Tulfo ang sinabi ng senadora na wala umanong nangumusta sa kanila mula sa dating majority bloc matapos ang insidente.
Sa kaniyang privilege speech, noong Miyerkules, Mayo 20, 2026, naging emosyonal si Cayetano at napaiyak habang ikinukuwento ang karanasan sa gitna ng insidente sa Senado Senado, bilang reaksiyon sa naging privilege speech ni Sen. Risa Hontiveros, na "parang wala na lang" ang mga naganap na putukan.
Kabilang sa kaniyang binanggit ang umano’y kawalan ng pangungumusta mula sa ilang kasamahan sa Senado matapos ang pangyayari.
Gayunman, sinabi ni Tulfo na mayroon silang WhatsApp group chat kung saan agad umanong nagpadala ng mensahe ang ilang senador upang kumustahin ang kalagayan ng bawat isa.
“‘Yong kaniyang emosyon po ay siguro po dala po ng takot, pero nung sinabi niya po na wala pong nangumusta, mayro'n po kaming ika nga, chat group po sa WhatsApp,” ayon kay Tulfo.
Dagdag pa niya, kabilang sa mga nagpadala ng mensahe mula sa dating majority bloc sina Sen. Kiko Pangilinan, Sen. Bam Aquino, Sen. Risa Hontiveros, at Sen. Win Gatchalian.
Ayon kay Tulfo, tumugon din si Sen. Camille Villar sa group chat upang ipabatid na ligtas sila matapos ang insidente.
"Pagkatapos sumagot po si Senadora Camille [Villar] at sabi niya, 'Thank you, we're all okay.' Nag-message naman po kami sa WhatsApp group po namin, ewan ko po kung bakit hindi po nabasa ni Senator Pia po yun," saad pa ni Tulfo.
Matatandaang nauwi sa palitan ng putok ng baril ang Office of the Sergeant-At-Arms (OSAA) at pinaniniwalaang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa akmang paghuli umano kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa noong Mayo 13.
Kabilang sa mga senador na nasa loob ng Senado ay ang buong bagong majority bloc na pinamumunuan ni Senate President Alan Peter Cayetano.