Ligtas nang nasagip ng mga awtoridad ang isang ginang matapos itong i-hostage ng kaniyang sariling asawa sa Barangay Bilolo, Orion, Bataan.
Ayon sa ulat ng pulisya, 10:00 ng umaga nang makatanggap ng impormasyon ang barangay hinggil sa nagaganap na hostage taking sa lugar.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Orion Municipal Police Station at nadatnan ang suspek na tinututukan ng kitchen knife ang leeg ng kaniyang asawa habang ikinukulong ito sa loob ng kanilang bahay.
Tumagal nang halos isang oras ang pakikipagnegosasyon ng mga pulis sa suspek bago nito binitawan ang hawak na kutsilyo.
Gayunman, nauwi muli sa tensyon ang sitwasyon nang maglabas naman umano ang lalaki ng gunting at muli itong itinapat sa biktima.
Bandang 11:15 ng umaga nang dumating sa lugar si Colonel Marites Salvadora upang personal na pangunahan ang negosasyon sa suspek.
Matapos ang mahigit dalawang oras na tensyon, tuluyan ding pinalaya ng lalaki ang kaniyang asawa bandang 12:30 ng tanghali.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, walong buwan nang hiwalay ang mag-asawa dahil umano sa matinding pagseselos ng mister.
Nais umano nitong makipagbalikan sa kaniyang asawa ngunit tumanggi ang babae, na sinasabing naging ugat ng hostage taking incident.
Agad namang inaresto ng mga awtoridad ang suspek matapos ang insidente.
Nahaharap ngayon ang lalaki sa kasong paglabag sa Article 267 ng Revised Penal Code o serious illegal detention, gayundin sa paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act.