Inamin ni Kim Chiu sa naganap na press conference para sa pelikulang 'Huwag Kang Lalabas' na opisyal na lahok para sa 2021 Metro Manila Film Festival na naisipan at kamuntik na siyang manirahan sa Canada, dahil sa kasagsagan ng matinding bashing sa kaniya noong 2020.

Katakot-takot na batikos umano ang natanggap niya dahil sa 'Bawal Lumabas' comment niya kaugnay sa di-pag-ubra ng Kongreso sa franchise renewal ng ABS-CBN. Isama pa riyan ang takot niya sa mismong virus. Dumating sa puntong ayaw na niya talagang lumabas ng bahay dahil natatakot siya sa sasabihin ng mga tao.

Pakiramdam daw niya, bobo at tanga ang tingin sa kaniya ng lahat.

Kaya ang ginawa na lamang niya ay nagworkout siya upang mas mapalakas ang kaniyang baga at immune system.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

“Marami talaga akong kinatatakutan. Una, asthmatic po ako, so nag-todo workout po ako noong mga panahon na 'yon. Kasi pag mahina yung lungs mo parang kakainin ka talaga," ani Kim.

“So, nag-workout talaga ako araw-araw at hindi puwedeng hindi ako mag-work out kasi tatamaan ako."

At mula sa negatibo ay naging positibo naman ang 'Bawal Lumabas issue' dahil nagkaroon pa siya ng kanta na ito ang titulo. At ngayon nga, mukhang dito hango ang pamagat ng kanilang horror movie para sa MMFF, na mapapanood na sa araw ng Pasko, Disyembre 25.

“Naisip ko rin na, ‘Ah, sa Canada na lang ako para wala ng judgmental dito.’ Pupuntahan ko na lang sana yung kapatid ko doon. Umabot na sa ganoon," pag-amin ni Kim.

Ipinagmamalaki ni Kim na lahat nang iyon ay nalampasan niya dahil imbes na makaapekto sa kaniyang showbiz career ay dumami pa ang mga biyayang natatanggap niya. Naging regular mainstay host siya ng 'It's Showtime' at 'ASAP Natin 'To' kung saan binansagan pa siyang 'Queen of the Dance Floor'.

Paano nga ba niya nalagpasan ang mga pagsubok na hinarap niya?

“Wala. Hinahayaan ko na lang sila. Iniisip ko na lang hindi ko sila kilala. Iyon ang lamang ko sa kanila, sila kilala nila ako, so kung magsalita ka nang masama sa akin, hindi kita kilala. Hindi naman tayo rubbing elbows, so hindi 'yon magma-matter sa akin,” matapang na pahayag ni Kimmy.