Limang beses nang bumayo sa Visayas at Mindanao ang bagyong 'Odette.'
Ito ang inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes ng gabi, Disyembre 16.
Sa pahayag ng ahensya, huling nag-landfall ang bagyo sa President Carlos P. Garcia sa Bohol nitong Huwebes ng gabi.
Nauna nang tumama ang bagyo sa Padre Burgos sa Southern Leyte dakong 5:40 ng hapon; Liloan sa Southern Leyte (4:50 ng hapon); Cagdianao, Dinagat Islands (3:10 ng hapon); at Siargao Island sa Surigao del Norte dakong 1:30 ng hapon.
Nilinaw ng PAGASA, taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 195 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso nito na hanggang 270 kilometro kada oras.
Libu-libong residente na rin ang nailikas nang mawasak ng bagyo ang kanilang mga bahay.
Sa pagtaya ng ahensya, hihina na nang bahagya ang bagyo kapag dumaan na ito sa Visayas at Palawan hanggang Biyernes."Re-intensification is likely once Odette emerges over the West Philippine Sea. However, weakening may ensue beginning Saturday evening or Sunday as the typhoon becomes exposed to increasing vertical windshear and the surge of the northeast monsoon," ayon pa sa PAGASA.