Umaabot na lamang ngayon sa mahigit 13,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Batay sa case bulletin #631 ng DOH, nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 603 bagong kaso ng COVID-19 nitong Linggo, Disyembre 5.
Mas mataas ito kumpara sa 517 lamang na naitala ng DOH kahapon, Sabado, Disyembre 4.
Ayon sa DOH,dahil sa mga naturang bagong kaso ng sakit, umaabot na ngayon sa 2,834,775 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang kabuuang bilang, 0.5% na lamang o 13,853 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.
Sa mga active cases naman, 5,532 ang mild cases, 3,903 ang moderate cases, 2,410 ang severe cases, 1,270 ang asymptomatic at 738 ang kritikal.
Mayroon din namang 1,047 mga pasyente ang gumaling na sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, nasa 2,771,536 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.8% ng total cases.
Nakapagtala pa rin naman ang DOH ng 156 pang pasyente na namatay sa sakit.
Sa kabuuan, nasa 49,386 na ang COVID-19 deaths sa bansa o 1.74% ng total cases.
Mary Ann Santiago