Isang babae ang patay nang pagbabarilin ng 'di kilalang salarin habang naglalakad sa Tondo, Manila nitong Lunes ng gabi, habang sugatan naman ang lalaking kasabayan niyang naglalakad matapos na tamaan ng ligaw na bala.
Kinilala ni Manila Police District (MPD) Director PBGen Leo Francisco ang namatay na biktima na si Abigail Ampil, 38, ng 2833 Benita St., Tondo, Manila.
Samantala, ginagamot sa Chinese General Hospital ang sugatang biktima na si Franckie Seña, 38, at residente rin ng naturang lugar.
Batay sa ulat ng MPD-Homicide Section, nabatid na mag-aalas-6:00 ng gabi nang maganap ang krimen sa Hermosa St., tapat ng Sunog Apo Pumping Station sa Barangay 183, Tondo, Manila.
Lumilitaw sa imbestigasyon na naglalakad ang mga biktima sa Hermosa St. nang bigla na lang sumulpot ang nag-iisang salarin.
Kaagad umano nitong pinaputukan si Ampil sa iba't ibang bahagi ng katawan habang minalas namang tamaan ng ligaw na bala si Seña.
Nang makitang duguan na ang mga biktima ay mabilis nang tumakas ang salarin habang isinugod naman ng mga saksi sa naturang pagamutan ang mga biktima ngunit binawian rin ng buhay si Ampil.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin gayundin ang motibo niya sa pagpatay, para sa kanyang agarang ikaaaresto.
Mary Ann Santiago