CAGAYAN - Nasa balag ng alanganin ngayon ang isang barangay chairman matapos umano nitong dakmain ang dibdib ng kanyang kagawad sa loob mismo ng kanilang opisina sa Santa. Ana ng nasabing lalawigan kamakailan.
Nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktimang si Joy (hindi tunay na pangalan), 46, kagawad sa Brgy. Parada Batu, upang ireklamo ng Acts of Lasciviousness at paglabag sa Republic Act 11313 (Safe Spaces Act) ang suspek na siOscar Bumaglag.
Sa reklamo nito sa pulisya, ang insidente ay naganap sa kanilang opisina dakong 9:48 ng gabi ng nakaraang Nobyembre 12.
Abala aniya ito sa pag-aayos ng summons form nang lumapit ang suspek at hinawak-hawakan ang dibdib ng biktima.
Paglilinaw ng biktima, wala umano itong relasyon sa suspek at tinutupad lamang aniya nito ang sinumpaang tungkulin bilang kagawad.
Kaagad namang tiniyak ng mga awtoridad na isasampa nila ang kaso sa lalong madaling panahon.
Liezle Basa Iñigo