Arestado ang isang dating pulis nang holdapin umano nito ang isang remittance center sa Quezon City kamakailan sa ikinasang hot pursuit operation sa Apalit, Pampanga nitong Huwebes, Nobyembre 11, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).
Sa panayam, kinilala ni QCPD Masambong Police Station (PS2) commander Lt. Col. Ritchie Claravall ang suspek na si dating Patrolman Dennis Marucut na sinibak na umano sa serbisyo at dating nakatalaga sa Police Regional Police 3, at taga- San Juan, Apalit, Pampanga.
Sa imbestigasyon, pinasok umano ng suspek na naka-PNP uniform ang isang remittance center sa Roosevelt Ave., Del Monte Ave. sa Barangay Del Monte sa Quezon City nitong nakaraang Martes.
Kaagad na tumakas ang suspek, sakay ng isang motorsiklo matapos ang panghoholdap.
Gayunman, nakilala pa rin ito ng mga teller ng establisimyento sa pamamagitan ng litrato na iniharap ng mga pulis at sa nasilip na paglalarawan ng closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar.
Kaagad na naglunsad ng operasyon ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa Mc Arthur Highway sa Apalit, Pampanga, dakong 10:00 ng umaga, Nobyembre 11.
Sa rekord ng pulisya, nag-AWOL (Absent Without Official Leave) si Marucut noong 2020 bago ito tinanggal sa serbisyo.
Nasamsam sa kanya ang kanyang motorsiklo, isang granada at isang Cal. 9mm pistol.Sasampahan ang suspek ng kasong Marucut robbery at paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), RA 9516 (Codifying The Laws On Illegal/Unlawful Possession, Manufacture, Dealing In, Acquisition Or Disposition Of Firearms, Ammunition Or Explosives).
Allysa Nievera