Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) chief,Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar na mabibigyan ng katarungan ang pagkakapaslang sa isang dalagita sa sa Laurel, Batangas kamakailan.
Nitong Miyerkules, Nobyembre 10, iniutos ni Eleazar sa mga imbestigador na tiyaking matibay ang kaso laban sa suspek o sa mga responsable sa panggagahasa at pagpatay sa 15-anyos na estudyante.
Sa naunang ulat ng pulisya, nagpaalam lamang ang biktima sa pamilya nito na pupunta lamang sa kanyang kaklase upang tapusin ang kanilang module nitong Lunes ng umaga, Nobyembre 8.
Gayunman, hindi na ito nakauwi kinagabihan kaya kinabahan ang pamilya nito at agad siyang hinanap.
Nang matagpuan ang bangkay ng biktima, sinabi ng mga pulis na may mga palatandaan na ginahasa ito.
Natuklasan din sa imbestigasyon na huling nakitang buhay ang dalagita, kasama ang isang barangay tanod.
Inaresto na ng pulisya ang tanod, gayunman, itinanggi umano nito ang alegasyon.
Kaugnay nito, nanawagan din si Eleazar sa publiko na may nalalaman sa kaso na agad na makipagtulungan sa pulisya upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.
Aaron Recuenco