Hindi na sinayang ng TNT Tropang Giga ang pagkakataon nang hablutin nila ang kampeonato sa Game 5 ng 2021 PBA Philippine Cup laban sa Magnolia Pambansang Manok Hotshots, 94-79 sa DHVSU Gym sa Bacolor, Pampanga nitong Biyernes ng gabi.
Pinangunahan ni Rookie Mikey Williams ang laban sa nakuhang 24 puntos, apat na rebounds at apat na assists habang si RR Pogoy ay nakaipon ng 19 puntos, tatlong rebounds at dalawang assists.
Nagpupumilit pa ang Magnolia sa 3rd period nang makabuslo si Ian Sangalang at nabawasan ang lamang ng kalaban na 15, 45-60. Gayunman, kumayod pa rin sina Glenn Khobuntin at Ryan Reyes upang mapanatili ang malaking kalamangan, 75-53 sa pagtatapos ng ikatlong yugto ng laban.
At sa 4th quarter ng laro, hindi na pumayag ang TNT na makahabol pa sa laban ang Magnolia tungo sa pagsungkit ng koponan sa titulo.