Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) nitong Sabado ng 5,807 mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Batay sa case bulletin #588, na inilabas ng DOH nitong Oktubre 23, 2021, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na ngayon sa 2,751,667 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.

Sa naturang kabuuang bilang, 2.3% na lamang o 63,051 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman.

Sa mga aktibong kaso naman, 77.7% ang mild cases, 8.89% ang moderate, 6.5% ang asymptomatic, 4.9% ang severe at 2.1% ang kritikal.

National

Atty. Chel Diokno, benepisyaryo daw ng confidential funds ni VP Sara?

Nakapagtala rin lamang naman ang DOH ng 9,578 bagong gumaling sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, umaabot na sa 2,647,031 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 96.2% ng total cases.

Mayroon lamang ring 65 pasyente na namataydahil sa kumplikasyong dulot ng COVID-19.

Sa ngayon, umakyat na sa 41,585 ang COVID-19 death toll ng Pilipinas o 1.51% ng total cases.

Samantala, iniulat rin ng DOH na mayroon pa rin namang 29 duplicates ang inalis ng DOH sa total case count, kabilang dito ang 27 recoveries.

Mayroon ring 51 pasyente na unang tinukoy bilang recoveries ang kalaunan ay nireklasipika matapos na matuklasang namatay na pala sa pinal na balidasyon.

Anang DOH, sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong Oktubre 21, 2021 at ngunit may dalawang  laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). 

Mary Ann Santiago