Umaabot na lamang sa 4,496 ang mga bagong kaso ng COVID-19 na naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa nitong Martes, Oktubre 19, 2021.

Batay sa case bulletin #584, na inilabas ng DOH, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na ngayon sa 2,731,735 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.

Sa naturang total cases, 2.3% na lamang o 63,637 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman.

Sa mga aktibong kaso naman, 79.0% ang mild cases, 8.97% ang moderate, 5.2% ang asymptomatic, 4.8% ang severe at 2.0% ang kritikal.

National

'Unahan ko na kayo!' Jam Magno, kusang sumuko sa CIDG sa Butuan City

Nakapagtala rin naman ang DOH ng karagdagang 9,609 bagong gumaling sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, umaabot na sa 2,627,126 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 96.2% ng total cases.

Mayroon pa rin namang 211 pasyente ang sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa kumplikasyong dulot ng COVID-19, sanhi upang umakyat na sa 40,972 ang COVID-19 death toll ng Pilipinas o 1.50% ng total cases.

Ayon sa DOH,mayroon pa rin namang 47 duplicates ang inalis ng DOH sa total case count, kabilang dito ang 31 recoveries.

Mayroon ring 145 kaso na unang tinukoy bilang recoveries ngunit malaunan ay nireklasipika matapos na matuklasang namatay na pala sa pinal na balidasyon.

Samantala, sinabi ng DOH na mababa ang mga naitalang kaso ng sakit nitong Martes dahil sa mas mababang laboratory output noong Linggo, Oktubre 17, 2021.

Mayroon rin umanong pitong laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng kanilang datos saCOVID-19 Document Repository System (CDRS).

“Based on data in the last 14 days, the 7 non-reporting labs contribute, on average, 2.8% of samples tested and 2.0% of positive individuals,” anang DOH.

Una nangnagpaalala ang DOH sa publiko na bagama't bumababa ang mga kaso ng COVID-19 na naiuulat nitong mga nakaraang araw ay hindi pa rin dapat maging kampante ang mga mamamayan.

Bagkus, ay dapat anilang ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards at agad na magpabakuna upang makaiwas sa COVID-19. 

Mary Ann Santiago