Nasa kabuuang 144,131 na menor de edad, mula 15-17 taong-gulang, ang target na mabakunahan laban sa COVID-19 sa two-phase Pediatric Vaccination Pilot sa Metro Manila, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya  nitong Lunes, Oktubre 18.

Ang initial phase ng programa ay naganap sa mga ospital ng DOH noong Oktubre 15 habang nakatakda naman ang ikalawang phase sa Oktubre 22-31 na gaganapin sa mga LGU-based hospitals at karagdagang 13 na ospital.

Sa isang news briefing, binanggit ni Malaya ang ilang ospital na kabilang sa programa kasama ang Caloocan Medical Center, Ospital ng Parañaque, Pasay General Hospitals at iba pa.

Sa parehong briefing, nagpahayag ng pagkabahala ang Philippine College of Physicians (PCP) sa pagbaba ng National Capital Region (NCR) sa alert level 3 na maaaring muling magpalobo sa kaso ng COVID-19 habang nananatiling puno pa rin ang mga intensive care units (ICU) at emergency wards sa mga ospital.

National

Sen. Imee sa sinabi ni Tiangco: 'Panahon na para ibasura ang impeachment ni VP Sara'

Nauna nang kinuwestyon ng grupo ang DILG kung paano nito nasisiguro na ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan ang minimum health protocols kung nakikita ang pagdagsa sa mga malls, parks at parehong mga lugar.

Pagtugon naman ni Malaya, nakita naman ng DILG katuwang ang Department of Health (DOH) ang mas maayos na kalagayan ng mga ospital sa Metro Manila.

Base sa datos ng DOH, pinunto ni Malaya na bumaba ng 69 hanggang 65 percent ang ICU bed utilization habang nanatiling nasa 44 percent naman ang isolation figure.

Dagdag ni Malaya, bumaba rin ang ward utilization mula 50 hanggang 48 percent at maging ang ventilator usage mula 51 hanggang 50 percent.

Ibinunyag ng tagapagsalita na nananatili ang bilang ng mga kaso batay rin sa COVID-19 reproduction rate na 0.58 mula sa dating 0.61 percent.

Pinunto rin ni Malaya na mula 14 percent na positivity rate, ang bilang sa ngayon ay nasa 10 percent habang ang average daily attack rate (ADAR) ay bumaba rin mula 13.65 percent hanggang 11.87 percent.

Ellson Quismorio/Chito Chavez