Naniniwala ang Malacañang na may nagawa na ang prosekusyon para i-convict umano si Vice President Sara Duterte.
Kaugnay ito sa nagpapatuloy na impeachment trial laban kay VP Sara, kung saan tinatalakay ang Article 1 ng Articles of Impeachment, na tumutukoy sa umano’y kaduda-dudang paggamit niya ng confidential funds.
“In a way, in a way, yes… pagdating sa pagturo kay Bise Presidente, kay Colonel Lachica na sila ang nagkontrol ng pondo para sa confidential funds,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa ginanap na press briefing ng PCO nitong Martes, Agosto 25.
Tahasan ding ipinahayag ng press officer na tikom si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kaugnay sa paglilitis laban sa Pangalawang Pangulo.
“Kahapon, nagkita kami, nakita n’yo nasa Pampanga tayo… pero wala siyang nabanggit tungkol sa impeachment,” anang press officer.
Nito lamang Martes, sumalang bilang ikalawang hostile witness sa impeachment trial ni VP Sara si Lemuel Ortonio, kasalukuyang Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff ng Office of the Vice President (OVP).
Sumailalim siya sa isang direct examination sa pangunguna ni Atty. Mae Divinagracia ng prosekusyon.