Nasapul sa CCTV ang pagtilapon ng isang lalaki sa Daraga, Albay matapos siyang mabundol ng isang motorsiklo habang naglalakad sa gilid ng kalsada nitong umaga ng Martes, Agosto 24.
Mapapanood sa naturang CCTV footage ni Punong Brgy. Ric Rodrigueza na naglalakad ang lalaki sa harap ng Tabon-Tabon Elementary School habang hawak ang kasama niyang batang estudyante.
Maya-maya pa, biglang lumitaw ang humaharurot na motorsiklo, na tila nawalan ng preno na nagdulot para sumalpok ito sa direksyon ng lalaking naglalakad.
Sa nasabi ring CCTV footage, makikitang panandaliang naiwan ang batang estudyante sa kinatatayuan niya bago lumapit sa direksyon kung saan tumalsik ang kasama niyang lalaki.
Ayon sa ilang ulat ng media, kasalukuyan nang inaalam ang kalagayan ng bata at nabundol na lalaki, gayundin ang kondisyon ng rider sa likod ng insidente.