Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 7,772 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Sabado.
Batay sa case bulletin #581 ng DOH, nabatid na dahil sa naturang mga bagong kaso, umabot na ngayon sa 2,713,509 ang total COVID-19 cases sa bansa hanggang nitong Oktubre 16, 2021.
Sa naturang kabuuang bilang naman, 3.1% na lamang o 85,048 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.
Sa aktibong kaso, 81.7% ang mild cases, 6.87% ang moderate, 6.3% ang asymptomatic, 3.6% ang severe at 1.5% ang kritikal.
Nakapagtala rin naman ang DOH ng karagdagang 1,634 na gumaling sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, umaabot na sa 2,587,881 ang total COVID-19 recoveries sa bansa.
Mayroon din namang 156 pang pasyente ang namatay dahil sa kumplikasyong dulot ng COVID-19, sanhi upang umakyat na sa 40,580 ang COVID-19 death toll ng Pilipinas.
“Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong October 14, 2021 habang mayroong isang laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 1 lab na ito ay humigit kumulang 0.1% sa lahat ng samples na naitest at 0.1% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” anang DOH.
Samantala, mayroon pa rin namang 55 duplicates ang inalis ng DOH sa total case count, kabilang dito ang 41 recoveries.
Mayroon ring 81 kaso na unang tinukoy bilang recoveries ang kalaunan ay nireklasipika matapos na matuklasang namatay na pala sa pinal na balidasyon.
Mary Ann Santiago