Inaresto umano ng mga pulis ang aktor na si Jake Cuenca dahil sa reckless imprudence na nagresulta sa pagkasira ng ibang ari-arian, nitong gabi ng Sabado, Oktubre 9, 2021.
Ayon sa naging panayam ng DZBB kay Eastern Police District-NCR Police Director P/B Gen. Mathhew Bacay, bandang 9PM nang maganap ang insidente sa Mandaluyong City. Aniya, dumaan umano ang isang sasakyan at nabangga ang sasakyan ng mga pulis, ngunit hindi ito huminto.
Hinabol ito ng mga pulis ngunit nagpahabol pa---kaya naman pinaputukan nila ang gulong upang mapahinto ito. Napag-alaman nila na ang nagmamaneho ng sasakyan ay ang aktor na si Jake Cuenca.
Hindi naman nilinaw kung lasing ba ang aktor habang nagmamaneho. Wala rin umanong ilegal na gamit na natagpuan sa kotse nito.
Dahil sa pagpapaputok ng mga pulis, isang Grab driver ang di-sinasadyang matamaan. Sa ngayon ay nasa mabuti na umano itong kalagayan.
Samantala, wala pa namang reaksyon o opisyal na pahayag mula sa kampo ni Jake Cuenca, bagama't galit ang kaniyang ama dahil parang tinratong kriminal ang kaniyang anak dahil sa aksidenteng pagkakabunggo sa police mobile. Pinadapa pa umano ang kaniyang anak sa semento at pinosasan.
Ayon naman sa kapulisan, ito ay normal na procedure lamang lalo't sa halip na huminto ay nakipaghabulan pa ang aktor sa kanila.