Matapos ang maaanghang na pahayag ni Manila Mayor “Isko” Moreno kay Vice President (VP) Leni Robredo nitong Biyernes, Oktubre 8, diretsahang naglabas ng saloobin ang batikang aktres na si Rita Avila sa kanyang Instagram account.

Dismayado at tila bigo ang aktres matapos ang pahayag ni Moreno sa umano’y pagdawit ni Robredo sa mga Pilipino sa pagitan ng mga Marcos at mga Aquino.

“Ang babaw yorme. 'Yan lang ang kaya mong isipin at sabihin? Kung hindi mo makita ang buti sa mga sinabi ni VP, kakahiya ka naman,” sabi ng aktres.

Dagdag ni Avila, tila “paiba-iba ng mukha at sinasabi” ni Moreno sa mga nakalipas na araw.

Tsika at Intriga

11 na buwan sa kulungan: Ricardo Cepeda, pansamantalang nakalaya

“Maganda nga ang sinabi tungkol sa yo ni VP Leni. At ikaw din maganda sinabi mo sa kanya nung nakaraan. After a few days ganyan ka na?” pahayag ni Avila.

Hindi rin pinalagpas ni Avila ang pagtawag ni Moreno sa mga tagasunod ng Liberal Party (LP) bilang “yellowtards.”

“At yellowtards pa talaga ha? Ako nga ayoko pag tinatawag ang mga DDS ng dutertards kasi d naman dapat magpakababa ng pagkatao by calling them that just bec. DDS sila. Tao pa din sila,” sabi ni Avila.

“Pasensya na ha? Pero salamat sa pagpapakita mo ng kulay,” dagdag ng aktres.

Para kay Avila, ang pahayag ni Moreno ay isang senyales na hindi maaaring mamuno sa Pilipinas ni Moreno.

Pinayuhan din ni Avila si Moreno na makinig ito “para mas lumalim ang pag-iintindi” sa mga binanggit na punto ni Robredo.

Kasunod na nag-post si Avila ng isang collage ng mga komento laban kay Moreno sa kanya pa ring Instagram kung saan patuloy na niresbakan si Moreno.

"Klarong-klaro naman mga Pilipino. Mayor Isko Moreno, aga mo namang pinahamak ang sarili mo. Pero salamat dahil nalaman agad namin ang pagkatao mo,” sabi ni Avila.

Kasunod na ibinahagi ni Rita ang isang proyektong tinanggihan niya kung saan siya dapat ang gaganap na ina ni Moreno.

"Buti talaga na di ako ang lumabas na nanay mo sa pelikula mo. Mahal ko ang direktor pero di talaga maganda ang kutob ko sa yo,” ani Avila.

“Pinagtanggol pa kita nung siraan ka ng Pangulo tungkol sa bold photos mo. Meron ka namang nagawang tama kaso mas malakas ang tama mo,” dagdag ng aktres.

"Pasensya na ulit. Sa tama at totoo lang ako.”

Wala pang reakyon si Moreno kaugnay sa tirada ng aktres laban sa kanya.