Hindi napigilang maging emosyunal ni Vice Ganda sa Sunday episode ng kaniyang community singing game show na "Everbody, Sing" matapos malaman ang mga makabagbag-damdaming kuwento ng ilan sa mga contestants, na mga manggagawang natanggalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Ang kuwento ng contestant na si Harra, isang factory worker, ay talaga namang nakapagpakurot sa puso ni Vice, lalo na nang malaman niyang hindi na halos kumakain ang nany at tatay nito para lamang magparaya sa kaniyang mga kapatid.

"Hindi ko kasi kaya ‘yung istorya ni Harra. Hindi kumakain ‘yung nanay at tatay niya kasi hindi sapat. Hindi ko kaya ‘yun, na uuwi siya, tapos mangyayari na naman ‘yun sa kanila,” giit ni Vice Ganda, na aminadong mapagmahal sa kaniyang pamilya, lalo na sa kaniyang nanay.

Kuwento ni Harra, siyam silang magkakapatid at masaklap pang natanggal siya sa trabaho.

Vic Sotto, nasaktan sa ginawa ng TAPE sa Eat Bulaga

“Hindi nakakakain ‘yung nanay at tatay mo dahil hindi talaga kasya. Nakakadurog iyon ng puso, tapos may mababalitaan ka na may mga government officials na hindi pa sapat ‘yung yaman nila, kumukuha pa ng pera,” dagdag ni Vice, na pumapatutsada sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.

Vice Ganda (Screenshot mula sa YT/Kapamilya Online Live)

“Dapat pinaghahati-hatian niyo na ‘yun, eh, iyong ilang bilyon na nawawala, pero hindi natin maipaliwanag kung kanino napunta, kung sino ang guminhawa doon," giit pa ng host.

Kaya naman, nangako si Vice na tutulungan niya si Harra, lalo na sa pagbabayad ng renta ng bahay.

Samantala, tinulungan naman ni Vice na mapanalunan ng Songbayanan (tawag sa mga contestants) na mapanalunan ang jackpot prize na ₱500k.

“I am so happy. Masayang masaya kayo, at masayang masaya kami, kahit siguro ‘yung mga nanonood sa bahay… Hindi ko kayo kilalang lahat, hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa bahay ninyo, pero nararamdaman ko kayo. Maliit na tulong ito, itong bigay namin sa inyo. Bukod sa fun, bukod sa entertainment, gusto namin kayong tulungan. Kung puwede lang namin kayo tulungan lahat. Maliit lang naman ‘yan, pero ang sarap sa pakiramdam," sabi niya.

Sa pagtatapos ng show, naisingit pa ni Vice na sana umano, taumbayan ang manalo sa paparating na National Elections sa 2022.

“Ang sarap sa pakiramdam ng nananalo, ‘no? Kung puwede lang sana tayong nananalo every day. Kaya sana sa eleksyon, tayo ang manalo. Hirap na hirap na kayo, o. Kaya sana sa eleksyon tayo ang manalo,” aniya.

Vice Ganda (Screenshot mula sa YT/Kapamilya Online Live)

Screenshot mula sa YT/Kapamilya Online Live

Ang “Everybody, Sing” ay napapanood tuwing Sabado at Linggo, 7PM, sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at A2Z Channel 11.