Iniimbestigahan na ng Quezon City Police District (QCPD) ang naganap na insidente ng pamamaril sa Timog Avenue corner EDSA, Barangay South Triangle, Quezon City, nitong Martes, Abril 28.
Ayon sa pahayag ng QCPD, bandang 4:10 PM naganap ang pamamaril, kung saan pagdating ng personnel ng Kamuning Police Station 10 sa lugar na pinangyarihan ng insidente, isang biktima ang natagpuan nilang nakahundasay, habang may isa namang nasa loob ng sasakyan.
Ang mga biktima ay naiulat na parehang may tama ng bala.
“Upon receipt of the report, personnel from Kamuning Police Station 10, immediately proceeded to the crime scene. Upon arrival, responding officers discovered one victim lying on the road and another inside the passenger seat of the vehicle, both sustaining gunshot wounds,” saad ng QCPD.
Ang mga biktima ay agad na sinugod sa East Avenue Medical Center para sa kinakailangan nilang atensyong medikal.
Sa kasalukuyan, isinasagawa na ang isang masusing imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo sa likod ng pamamaril.
Kabilang sa aksyon na isinasagawa ng QCPD ay pagkalap ng mga ebidensiya mula sa backtracking at forward tracking ng mga CCTV footage at pagkuha ng witness statements.
Kasama rin sa imbestigasyon ang pagbuo ng Special Investigation Team (SIT) upang matiyak ang agad na resolusyon ng kaso.
“Investigation is ongoing to determine the identities of the suspects, establish the motive of the incident, gather additional evidence, including backtracking and forward tracking of CCTV footages, and witness statements. Moreover, to ensure an in-depth investigation, a Special Investigation Team (SIT) was created immediately to handle and closely monitor the case until its resolution,” saad ng QCPD.
Samantala, nananawagan ang QCPD sa publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang impormasyong malalaman hinggil sa insidente.