CAMP OLA, Albay – Napatay ang dalawang menor de edad matapos umanong saksakin ng kanilang ama sa Baras, Catanduanes, nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala lamang ni Police Major Malu Calubaquib ang suspek na si alyas “Rol,” at taga-Brgy. Western Poblacion.

Sa imbestigasyon ng Baras Municipal Police, nakatanggap sila ng tawag ng isang ginang kung saan humihingi ng tulong dahil sa umano’y paglaslas ng pulso ng kanyang asawa, dakong 10:30 ng gabi.

“Agad na rumesponde ang mga operatiba ng Baras Police subalit ang dinatnan nila sa lugar ay ang nakahandusay na dalawang batang babae," pahayag ni Calubaquib.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Aniya, sinugod din umano ng suspek ang mga pulis kaya ito binaril sa paa.

Isinugod sa Bato Maternity Hospital ang dalawang batang may edad na 8 at 9, gayunman, binawian din sila ng buhay.

Inaresto na ng pulisya ang suspek na nakaratay pa rin sa ospital.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya ang kaso.

Niño Luces