Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nakapagtala pa sila ng panibagong 7,443 COVID-19 cases sa bansa hanggang nitong Sabado ng hapon.
Sa inilabas na COVID-19 case bulletin ng DOH, dahil sa naturang mga bagong kaso, umaabot na ngayon ang cumulative COVID-19 total cases sa Pilipinas sa 1,216,582.
Sa naturang bilang,53,614 o 4.4% ang aktibo pa.
Sa mga aktibong kaso, 93.1% ang mild cases lamang, 2.3% ang asymptomatic, 1.4% ang critical, 1.8% ang severe at 1.28% ang moderate.
Umaabot naman sa 20,722 ang death toll ng virus sa bansa o 1.70% ng kabuuang COVID-19 cases, matapos na madagdagan pa ng 156 new COVID-19 deaths.
Samantala, nadagdagan din naman ang mga COVID-19 survivors o recoveries ng 7,533 kaya’t umaabot na ngayon sa 1,142,246 ang bilang ng mga pasyenteng gumaling mula sa sakit.
Ito ay 93.9% ng kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa, ayon pa sa DOH.
Mary Ann Santiago