Bumalikwas mula sa 0-5 na pagkakaiwan ang Filipino pair nina Jeff de Luna at Roberto Gomez upang magwagi at sumulong sa quarterfinals ng 2021 World Cup of Pool.

Naiwan sa simula ng kanilang race-to-seven match, pitong sunod na laro ang winalis nina De Luna at Gomez para maigupo ang mga Amerikanong sina Billy Thorpe at Skyler Woodward, 7-5, sa Stadium MK sa England kahapon. 

Nakasisiguro na halos na tatawid sina Thorpe at Woodward sa susunod na round matapos maiposte ang komportableng 5-0 bentahe. Gayunman, hindi inaasahang nakabangon pa at humabol ang mga Pinoy.

Nabigo si Thorpe na palawigin ang kanilang lamang sa 6-3 pagkaraang magmintis ang kanyang pabanda para sa 7th ball sa corner pocket sa ninth game.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Hindi na inaksaya ang pagkakataon ng mga Pinoy at ipinasok ang nalalabing dalawang bola upang tapyasin ang lamang ng mga Amerikano sa 4-5 na idiniretso na nila sa pagwalis sa natitirang tatlong laro upang maipanalo ang laban.

Makakasagupa ng Filipino duo sina Denis Grabe at Mark Magi ng Estonia sa race-to-nine quarterfinal match.

Ang iba pang mga kasama nilang umusad sa quarterfinals ay ang mga pareha mula Slovakia, Japan, Great Britain C, Netherlands, Germany at Denmark.

Ang walong quarterfinal pairs ay tiyak ng mag-uuwi ng tig- $9,000 na premyo.

Marivic Awitan