Pumanaw na ang limang taong gulang na batang lalaking nag-viral matapos siyang matagpuang nag-aagaw-buhay malapit sa isang basurahan sa Navotas City.
Ayon sa Facebook post ng ama ng biktima na si Jemuel Muleta nitong Lunes ng madaling araw, Mayo 11, 2026, kinumpirma niyang binawian na ng buhay ang biktima.
“Siguro hanggang dito na lang yung laban natin anak. Sabi ko naman sayo 'di ka namin iiwan. Madami tayong lumalaban, ramdam ko na pagod ko na. Bawit sakit ng mga tahi, sakit sa butas gawa ng mga tube,” anang ama ng biktima.
May bilin ding iniwan si Jemuel para sa kaniyang namayapang anak.
“'Wag ka pasaway kay Papa Jesus ah? Mahal na mahal kita anak, wala ng sakit. Grabe sobrang lakas mo, sobrang tapang mo. Mag-iingat ka, 'di mo kasama [si papa] pero alam kung maganda na pupuntahan mo ngayon. Mahal kita. Mahal na mahal kita,” saad niya.
Matatandaang noong Abril naganap ang karumal-dumal na sinapit ng biktima sa kamay ng kanilang kapitbahay matapos siyang gilitan nito, bugbugin at saka winakwak ang tiyan.
Matapos maisugod sa ospital, sumailalim sa operasyon ang biktima kung saan napag-alamang nawalan ng parte ng bituka ang bata dahil sa sinapit sa kamay ng suspek.
“SALAMAT PANGINOON SADYANG KAY BUTI MO Sa sobrang tuliro namin medyo dina kame makausap nang maayus mali pagkakaintindi namin, safe yung kidney ni Francis bali BITUKA n’ya lang po yung nawala. Maraming Salamat po Panginoon,” saad ni Jemuel sa kaniyang FB post noon.
KAUGNAY NA BALITA: 'Safe yung kidney!' Ama ng batang ginilitan at winakwak ang tiyan, may nilinaw sa kondisyon ng biktima
Samantala, nananatili naman sa kustodiya ng pulisya ang 20 taong gulang na suspek, na nakatakdang tuluyang masampahan ng kaukulang kaso.
Ayon sa mga awtoridad, pinaghihinalaan umano nilang may kakaibang kondisyon ang suspek hinggil sa motibo ng ginawa niya sa biktima. Batay sa pulisya, tila balewala lang daw sa suspek ang pag-amin nito sa krimeng ginawa niya.