BINIGYAN ng go-signal ng lalawigan ng Batangas ang Philippine Basketball Association (PBA) na makapagsagawa ng bubble training at planong pagbubukas ng 46th season ng liga sa susunod na buwan.

Pagkaraan ng ilang serye ng pag-uusap sa pagitan nina PBA commissioner Willie Marcial, Batangas City Mayor Beverley Dimacuha at Representative Marvin Mariño, napagkasunduan na sisimulan ang ensayo sa kalagitnaan ng buwan.

“Okay na ang LGU. JAO (Joint Administrative Order from the Department of Health and Games and Amusements Board and Philippine Sports Commission and maybe we can start practices by the middle of May,” wika ni Marcial.

Hindi gaya ng Metro Manila at mga kalapit lalawigan na Cavite, Laguna at Rizal na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ)ang Batangas ay kasalukuyang nasa ilalim ng mas maluwag na general community quarantine (GCQ).

Mentor era? John Amores, nagtuturo na ng 'shooting skills' sa aspiring players

Ayon pa kay Marcial anim hanggang pitong teams ang may planong magdaos ng training camp sa Batangas na may dalawang training centers sa Batangas City Coliseum at Batangas State University Gym.

Gayunman, hindi binanggit kung habang nasa training ay sa Batangas na din muna mananatili ang mga teams.

Dahil wala pang linaw ang lahat, may mga hindi sumang-ayon sa balak na pagsasanay sa Batangas dahil sa layo nito sa Metro Manila.

Kabilang na rito si Meralco head coach Norman Black na nagsabing susubukan nilang maghanap ng ibang lugar.

“Batangas is quite away from Metro Manila. I’m not sure if we’re going to take advantage of that,” ani Black. “A lot of my guys live in Quezon City, so that’s quite a waste to travel everyday to Batangas.”

“First, we have to figure out where we could train. Until we can figure out the logistics and all, we just have to wait on what exactly is going to happen going forward,” dagdag nito.

Marivic Awitan