NI MERCY LEJARDE
Simula Linggo (Abril 11), makikilala na ng mga manonood ang makukulay at relatable na mga karakter nina Key Kalunsod (Ali King) at Chen Chavez (Alec Kevin) na nagkamabutihan sa gitna ng enhanced community quarantine sa Pinoy boys’ love (BL) series na ‘Boys’ Lockdown’ sa Heart of Asia channel.
Si Key ay isang introverted na college student na stranded sa Metro Manila at nahiwalay sa kaniyang mga magulang na nakatira sa Baguio City habang si Chen naman ay isang sikat na online personality na gumagamit ng anonymous na account dahil siya ay mahiyain sa totoong buhay.
Wrong timing man nang magkakilala sila sa panahon kung kailan limitado ang mga galaw ng tao at ipinagbabawal ang masyadong paglabas, makakabuo pa rin ang dalawa ng espesyal na koneksyon sa isa’t isa sa kabila ng mga pagsubok.
Abangan kung paano uusbong ang pag-iibigan nina Key at Chen sa gitna ng pandemya sa Boys’ Lockdown tuwing Linggo, 11:00 AM, sa Heart of Asia channel sa GMA Affordabox, GMA Now, at iba pang digital TV boxes.