May advice is Queen of All Media Kris Aquino sa kaniyang "future daughter-in-law" na si Ryzza Mae Dizon, nang sorpresa siyang bumulaga sa "Eat Bulaga" studio nitong Huwebes, Hunyo 25, para magpakita ng suporta sa bunsong anak na si Bimby Aquino, na ilang araw na ring guest host.
Kahit maraming iniindang sakit, hindi pa rin nakaligtaan ni Kris na suportahan ang hosting stint ng kaniyang bunsong anak, na inirereto ng mga Dabarkads kay Ryzza.
Matatandaang kinakiligan ng mga netizen ang reunion ng dalawa sa nabanggit na noontime show, at marami pa ngang humihirit na gawing "AlDub 2.0" ang dalawa.
Sinalubong naman ni Ryzza si Kris, nagmano, at yumakap dito.
Kinaaliwan naman ng mga netizen ang hirit ni Kris, na kahit may mga iniindang sakit, hindi pa rin talaga nawawala ang kataklesahan at pagiging witty, mga katangiang minahal sa kaniya ng mga tao.
Aniya kay Ryzza, "Mag-kiss ka sa future mother-in-law mo!"
May piece of advice naman si Kris para kay Ryzza, matapos niyang mabalitaan ang karanasan nito noon, na nakaranas daw ng pang-aapi.
Marahil, ang tinutukoy ni Kris ay ang naging pagbubukas ni Ryzza sa naging karanasan niya noong kabataan niya, sa panayam sa kaniya sa "Toni Talks" ni Toni Gonzaga-Soriano.
Kuwento pa nga ni Ryzza, tila umikot ang mesa sa kanilang dalawa ng kapitbahay na nagsabing mas mahal pa sa buhay niya ang nadaplisang jar noong bata pa siya, habang nakikipaglaro sa anak nito, dahil si Ryzza lang naman ang nakabili sa bahay nitong ipinagbebenta noon.
"I love you. Doon sa nabalitaan kong nang-aapi sa 'yo, don't mind them because success is the best revenge."
Pinuri pa ni Kris si Ryzza na ang laki raw ng iginanda.
"Ang laki ng ginanda mo. I think dahil may nagpapaganda sa 'yo," biro naman ni Kris sabay sulyap sa anak na si Bimby, na ikinakilig naman ng lahat.
Isa pa sa kinakiligan ng lahat ang suot na damit ni Bimby kung saan may letrang "R" ito, bagay na personal daw na binili ni Kris para sa anak.
Sa huli, sinabi ni Kris na mahal niya ang Dabarkads, at willing yata siyang maging guest host din kagaya ni Bimby.
Hirit naman ng mga netizen, sana raw ay bigyan ng teleserye o pelikula together sina Bimby at Ryzza, dahil bagay raw sila.
Maki-Balita: Kris bumulaga sa Eat Bulaga, aprub na maging 'future mother-in-law' ni Ryzza?