July 23, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Mga aksidente, krimeng kinasangkutan ng mga estudyante nitong Hunyo!

BALITAnaw: Mga aksidente, krimeng kinasangkutan ng mga estudyante nitong Hunyo!
Photo courtesy: Unsplash

Wala pang isang buwan ang nakalipas magmula nang muling magbukas ang mga klase mula elementarya hanggang kolehiyo sa mga pampublikong paaralan—iba’t ibang insidente na ng karahasan ang naitala mula sa iba’t ibang panig ng bansa. 

Mula sa pananaksak sa loob ng paaralan, trahedyang dulot ng kalamidad at aksidente, hanggang sa isa sa pinakamadugong school shooting incident sa kasaysayan ng bansa, muling nabuksan ang usapin hinggil sa kaligtasan ng mga mag-aaral sa loob at labas ng eskwelahan.

Sa nakalap na datos at ulat mula sa iba’t ibang ahensiya at media organizations, hindi bababa sa siyam na magkakahiwalay na insidente ang naitala nitong Hunyo na may direktang kinalaman sa mga estudyante.

Magnanakaw, sinipa ang kolehiyalang estudyante

Noong Hunyo 2, isang 20-anyos na college student sa Barangay Culiat, Quezon City ang umano’y sinipa ng isang kawatan habang naglalakad. Nauwi ito sa pagkakaaresto ng 28-anyos na suspek matapos ang follow-up operation ng mga awtoridad.

BALITAnaw

#BALITAnaw: Ang unang pagtapak ng tao sa buwan, ‘One giant leap for mankind’

Bagama’t hindi sa loob ng paaralan nangyari ang insidente, isa ito sa mga unang naitalang krimeng tumarget sa isang estudyante ngayong buwan.

Dalawang student-athletes, nalunod sa Aurora

Noong Hunyo 8, nagluksa ang sports community matapos malunod at mamatay ang dalawang student-athletes ng Ateneo de Manila University Blue Eagles habang nasa team-building activity sa Dipaculao, Aurora.

KAUGNAY NA BALITA: 'Fact-finding ‘di fault-finding?' SILG Remulla, haharapin sa CIDG top management ng Ateneo!

Ayon sa mga ulat, bahagi ng aktibidad ang pagpunta sa isang coastal area nang tangayin ng malakas na alon ang mga biktima. Kinilala ang mga biktima na sina Rene Clert Baterbonia na tubong Agusan del Sur at Divine Adili na isang Nigerian national. Hanggang ngayon ay patuloy ang imbestigasyon at wala pang napapanagot sa sinapit ng dalawang atleta.

KAUGNAY NA BALITA: UAAP, ‘closely following’ sa imbestigasyon ng pagkasawi nina Adili, Baterbonia!

Guro, itinumba ng Grade 12 student

Noong Hunyo 12, isang 36-anyos na high school teacher sa Bacolod City ang nasawi matapos umanong pagsasaksakin ng isang 24-anyos na Grade 12 student sa loob ng tahanan ng biktima.

KAUGNAY NA BALITA: Gurong bet bumembang, itinali at saka pinainom ng muriatic acid ng Grade 12 student!

Ayon sa mga ulat, may relasyon umano ang suspek at biktima, habang may anggulo ring lumulutang na pera ang motibo sa nasabing krimen.

Pitong Grade 6 students nasugatan sa pananaksak

Noong Hunyo 16, pitong Grade 6 students ang nasugatan matapos silang pagsasaksakin ng isang Grade 8 student sa loob ng isang pribadong paaralan sa General Trias City, Cavite.

Batay sa imbestigasyon, isang kitchen knife ang ginamit sa insidente. Agad na narespondehan ang pangyayari at naisugod sa ospital ang mga sugatan. Naglabas din ng psychosocial intervention program ang paaralan para sa mga naapektuhang estudyante.

Estudyante nabangga sa pedestrian lane

Noong Hunyo 18, isang estudyante sa San Mateo, Rizal ang nasugatan matapos mabangga ng isang van habang tumatawid sa pedestrian lane.

Muling naging sentro ng diskusyon ang kaligtasan ng mga estudyante sa mga kalsadang malapit sa mga paaralan, lalo na sa pagbubukas ng bagong school year.

Grade 2 pupil natagpuang patay sa Tarlac

Isa sa mga pinakamabigat na kaso ngayong buwan ang pagkamatay ng isang anim na taong gulang na Grade 2 pupil sa Victoria, Tarlac noong Hunyo 19.

Sa imbestigasyon ng pulisya, isang 15-anyos na binatilyo ang itinurong suspek. Lumitaw sa imbestigasyon na posibleng nakaranas ng sexual assault ang bata bago natagpuang wala nang buhay. Ang menor de edad na suspek ay isinailalim sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at tuluyan nang nasampahan ng reklamo.

KAUGNAY NA BALITA: 6-anyos na paslit, pinatay at pinaghihinalaang ginahasa pa ng 15-anyos

Imbestigasyon sa umano’y misconduct ng guro

Noong Hunyo 22, inilunsad ng Schools Division Office ng Parañaque ang imbestigasyon kaugnay ng alegasyon ng misconduct laban sa isang guro at isang estudyante sa Parañaque High School.

Bagama’t limitado pa ang inilalabas na detalye, muling umigting ang panawagan para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng child protection policies sa mga paaralan.

Tatlong estudyante patay sa Tacloban school shooting incident

Pinakamatingkad sa lahat ng insidente ang naganap noong Hunyo 22 sa San Jose National High School sa Tacloban City kung saan tatlong estudyante ang nasawi at ilan pa ang nasugatan matapos ang pamamaril sa loob mismo ng paaralan.

Dalawang menor de edad na may edad 14 at 15 ang itinurong suspek at kapwa nasa kustodiya na ng mga awtoridad. Isa sa mga anggulong sinisiyasat ng pulisya ay ang umano’y matagal nang karanasan ng mga suspek sa bullying. 

KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!

Nag-utos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng malalimang imbestigasyon habang nagsagawa rin ng sariling pagsusuri ang Department of Justice.

Ang insidente ay itinuturing na isa sa pinakamalalang school shooting na naitala sa bansa sa mga nakalipas na taon. 

Grade 9 student sinaksak ng kapwa estudyante

Noong Hunyo 23 naman, isang Grade 9 student sa San Carlos City, Negros Oriental ang nasugatan matapos umanong saksakin ng isang Grade 10 student.

Ayon sa mga imbestigador, may matagal nang personal na alitan ang dalawang mag-aaral bago nangyari ang insidente.

Sa kasalukuyan, mainit na pinagtatalunan ngayon ang usapin ng pagpapababa ng edad ng criminal liability hinggil sa pagkakasangkot ng mga estudyante at kabataan sa mga krimen.

MAKI-BALITA: Matapos insidente ng barilan: Sen. Robin, tinalak special session para sa 'Juvenile Justice Act!'