“Sa hinaba-haba ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.”
Ito ang inaasahan nang marami para sa mga magkarelasyong tumagal ang pagsasama sa loob ng pitong taon.
Habang ito ang naakmang landas, may ilang relasyong nauuwi pa rin sa hiwalayan sa kabila ng pagkahaba-habang panahong pag-iibigan, pagsusuyuan, at pag-aaway-bati.
KAUGNAY NA BALITA: #BALITAnaw: Celebrity couples na umabot ng pitong taon ang relasyon pero naghiwalay
Ayon sa iba’t ibang pag-aaral, ang pinakakilalang paniniwalang kinatatakutan ng maraming magkaulayaw ay ang “seven-year itch,” dahil sa umiigting na pagkabagot ng mga ito sa isa’t isa pagdating ng pitong taon nilang pagkakakilala at pagsasama.
Sa puntong ito ng relasyon, kadalasang dumadating ang magkarelasyon sa desisyon ng re-evaluation ng kanilang estado.
Dito nila iniisip kung maigi pa bang ituloy ang kanilang relasyon at commitment para sa isa’t isa o dapat na itong putulin.
PANINIWALA O TUNAY?
Batay sa pag-aaral ng Psychology Today, matapos ang honeymoon phase ng relasyon, kung saan mataas pa ang mutual infatuation at ilusyon sa isa’t isa, dumadating ang pagsasama sa puntong mas nakikilala ng magkarelasyon ang isa’t isa, mula sa mga sarili nilang buhay hanggang sa kanilang mga responsibilidad.
Minsan, ang transition na ito ay nagdudulot ng pagkadismaya o dissatisfaction, na kung aabot sa loob ng pitong taon o mas maaga pa, ay may malaking posibilidad ng hiwalayan.
Saad din sa iba pang pag-aaral, sa loob ng pitong taon, kadalasang tapos na ang dating at courtship stage at dito na nakikita ng magkarelasyon o mag-asawa ang “totoong buhay.”
Kaya dito ay masyado nang nagiging kampante ang dalawang dati’y “patay na patay” para sa isa’t isa.
MAY PAG-ASA BANG MALAGPASAN ITO?
Batay naman sa pag-aaral ng Better Help, habang overwhelming kung titingnan ang muling pagpapainit ng relasyon mula sa pinagdadaanan o pinagdaanang seven-year itch, posible pa rin itong malagpasan.
Unang una rito, mahalaga ang paglalaan ng “quality time” para sa isa’t isa, mapa-romantic getaway man ito, dinner, o ano pang mga paraan upang makapag-usap at muling magkaroon ng koneksyon.
Pangalawa, ipinapayo rito ay ang maayos na komunikasyon sa pamamagitan ng active listening sa isa’t isa upang intindihin ang pangangailangan ng isa’t isa.
Sumunod, ang pagpapahayag ng appreciation para sa isa’t isa sa araw-araw, mula sa maliliit na bagay upang maiparamdam ang pagpapahalaga sa relasyon.
Panghuli, ang pagpapahayag ng mga plano para sa hinaharap upang maiparamdam sa karelasyon na may kahihinatnan ang pagsasama.