Limang taon na ang lumipas mula nang pumanaw si dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III noong Hunyo 24, 2021, ngunit nananatiling bahagi ng pambansang usapan ang kaniyang mga nagawa, mga prinsipyo sa pamamahala, at ang bakas na iniwan niya sa kasaysayan ng bansa.
Personal na dumalaw ang kapatid niyang si Queen of All Media Kris Aquino sa puntod ng kuya para gunitain ang ikalimang anibersaryo ng pagpanaw nito.
Kasama ang bunsong anak na si Bimby Aquino, maagang nagtungo si Kris sa Manila Memorial Park para maiwasan ang matinding sikat ng araw na maaaring magpalala ng kaniyang kondisyon, ayon sa kaniyang social media post.
Maki-Balita: Kris dinalaw si P-Noy kahit maraming iniinda: 'Happy 5th birthday in heaven Noy!'
Anak ng mga itinuturing na "icons ng democracy" na sina dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr. at dating Pangulong Corazon "Cory" Aquino, noong 2010, nahalal siya bilang ika-15 Pangulo ng Pilipinas sa gitna ng panawagan para sa reporma at malinis na pamamahala. Bitbit niya noon ang slogan na “Daang Matuwid,” na naging pangunahing tema ng kanyang administrasyon.
Sa mga artikulong inilathala ng Manila Bulletin sa mga nakalipas na taon, madalas na binibigyang-diin ang mga tagumpay ng administrasyong Aquino sa larangan ng ekonomiya, mabuting pamamahala, at kampanya laban sa katiwalian.
Sa ilalim ng kaniyang termino, nakaranas ang Pilipinas ng ilan sa pinakamataas na antas ng paglago ng ekonomiya sa mga nagdaang dekada, dahilan upang bansagan ang bansa bilang isa sa mga umuusbong na ekonomiya sa Asya. “Rising Tiger” ang naging bagong tawag sa Pilipinas mula sa dating taguri dito bilang “Sick Man of Asia.”
Isa rin sa mga pinakamadalas na iniuugnay sa kaniyang pangalan ang arbitral case laban sa China kaugnay ng West Philippine Sea. Sa ilalim ng kaniyang administrasyon, isinampa ang kaso na kalaunan ay nagresulta sa makasaysayang desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 na pumabor sa Pilipinas.
Hanggang ngayon, itinuturing ito ng marami bilang isa sa pinakamahalagang ambag ng kaniyang pamumuno sa usapin ng pambansang soberanya.
Bida rin ang dating Pangulo sa mga tanyag niyang slogan tulad ng “Kayo ang Boss ko!,” “Kapag walang korap, walang mahirap!,” “Bawal ang wang-wang!” at ang “The “Filipino is worth dying for. The Filipino is worth living for. If I may add, the Filipino is worth fighting for."
Tatak din niya ang paggamit ng wikang Filipino sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) upang mas maunawaan ng masa ang kaniyang talumpati at paghahatid ng ulat sa bayan.
Ngunit tulad ng ibang lider, hindi rin naging perpekto ang kaniyang panunungkulan. Hinarap ng kaniyang administrasyon ang mga kontrobersiya at pagsubok, kabilang ang mga isyung may kinalaman sa disaster response lalo na sa super bagyong Yolanda, seguridad at iba pang usaping pampamahalaan, lalo na ang naganap sa "SAF 44 sa Mamasapano clash, at ang Quirino Grandstand hostage taking.
Basahin: BALITAnaw: Buwis-buhay ng SAF 44 sa madugong engkuwentro sa Mamasapano
Gayunman, para sa kaniyang mga tagasuporta, nanatiling mahalaga ang kaniyang paninindigan sa transparency, pananagutan at mabuting pamamahala.
Noong Hunyo 24, 2021, nagulat ang bansa sa balitang pumanaw si Aquino sa edad na 61. Ayon sa mga ulat noon, ang kaniyang pagyao ay dulot ng komplikasyon ng sakit sa bato na may kaugnayan sa diabetes.
Basahin: #BALITAnaw: 'Kayo ang boss ko!' PNoy, ang ika-15 Pangulo ng Pilipinas
Maki-Balita: Dating Pangulong Noynoy Aquino, pumanaw na