Mahigpit nang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng Dumanjug, Cebu ang pagbabawal sa pagdadala at paggamit ng cellphone sa loob ng mga paaralan bilang bahagi ng pinaigting na hakbang para sa disiplina at seguridad ng mga mag-aaral.
Nakipagpulong si Dumanjug Mayor Gungun Gica sa mga pinuno ng mga paaralan sa nasabing bayan upang talakayin ang bagong polisiya.
Sa ilalim ng kautusan, kukumpiskahin ang mga cellphone na madadala ng mga estudyante sa oras ng klase.
Bukod sa pagbabawal ng cellphone, paiigtingin din ng mga awtoridad ang pagbabantay sa mga internet café sa bayan. Pinapayagan lamang ang mga mag-aaral na nasa Grade 10 pababa na manatili sa mga naturang establisimyento hanggang 8:00 ng umaga, habang hanggang 10:00 naman ng gabi ang itinakdang oras para sa iba pang menor de edad.
Muling binigyang-diin ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng iba pang ordinansa, kabilang ang pagbabawal sa paninigarilyo para sa mga indibidwal na 21 taong gulang pababa.
Kasabay nito, mahigpit ding babantayan ang mga pasukan ng paaralan sa lahat ng oras upang mapanatili ang seguridad sa loob ng mga campus. Ang mga magulang at guardian ay papayagang makapasok lamang sa paaralan kung may pahintulot mula sa administrasyon at alinsunod sa umiiral na security protocols.
Magkakaroon din ng masusing inspeksyon upang matiyak na walang matutulis na bagay, armas, baril, pampasabog, at iba pang mapanganib na kagamitan na maipapasok sa loob ng paaralan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, bahagi ang mga hakbang na ito ng pagpapalakas ng seguridad sa mga paaralan kasunod ng naganap na pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City kamakailan.
MAKI-BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!
Patuloy namang hinihikayat ng mga opisyal ang pakikipagtulungan ng mga estudyante, magulang, guro at iba pang miyembro ng komunidad upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng kabataan.