Nalalapit na ang pagtatapos ng Hunyo na itinuturing bilang “Pride Month,” pero hanggang sa ngayon, buhay pa rin ang usapin kaugnay sa makulay na buhay ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
Pero aware ka ba na hindi lang tao ang sinasaklaw ng Pride Month?
Paano ba naman kasi, may mga hayop ding nagpapakita ng queer qualities at same-sex behaviors!
Batay sa mga impormasyong inilatag ng Department of Environment and Natural Resources - Biodiversity Management Bureau (DENR-BMB), may mga hayop sa Pilipinas na nagpapakita ng queerness sa gitna ng “diverse” na ecosystem ng bansa.
UNGGOY (Macaca fascicularis philippensis)
Ang mga ito ay isa sa mga non-human primates sa bansa na nagpapakita ng non-reproductive sexual behaviors—partikular na ang same-sex sexual behaviors.
Madalas makikita ang mga ito sa Bohol, Leyte, Negros, Palawan, at Samar.
CLOWNFISH (Amphiprion ocellaris)
Ang mga clownfish ay maituturing na “hermaphrodite,” kung saan mayroon ang mga ito ng parehong male at female reproductive organs.
Sa sitwasyong wala ang isang breeding female clownship, may kakayahan ang isa na mag-switch upang mapagpatuloy ang reproduction process.
Makikita ang mga ito sa Bohol, Palawan, Batangas, at Sarangani.
LAPU-LAPU (Epinephelus fuscoguttatus)
Karamihan sa mga lapu-lapu ay “protogynous hermaphrodite,” ibig sabihin, nagsisimula sila bilang mga babae.
Sa pagdaan ng massive hormonal shifts, maaari silang maging lalaki matapos ang ilang taon.
Makikita sila sa Palawan, Cebu, Sorsogon, Romblon, Marinduque, at Surigao.
LEAF SLUG (Costasiella kuroshimae)
Kagaya ng clownfish, hermaphrodites ang mga leaf slug—mayroon silang pambabae at panlalaking reproductive organs.
Makikita ang mga leaf slug sa Batangas, Negros Oriental, Oriental Mindoro, at Bohol.
TAHONG (Perna viridis)
Gaya ng mga nabanggit na hayop, may isang anatomical analysis na nagsiwalat na ang green mussels sa Inner Malampaya Sound, Taytay, Palawan ay mayroong male at female gametes.
Madalas itong matatagpuan sa Capiz, Samar, Cavite, at Bataan.
Ilan pa sa mga hayop na nabanggit ng ahensya—na maituturing ding hermaphrodites—ay ang Bulating-Lupa, Scrambled Egg Nudibranch, at Lukot.
Gaya naman ng Lapu-lapu, ang mga hayop tulad ng Mameng at Isdang Loro ay nagsisimula bilang mga babae; at na-de-develop na lamang bilang mga lalaki sa pagdating ng panahon.
Sa sitwasyon naman ng Mourning Gecko, ang halos lahat ng kanilang species ay panay babae.
Dahil sa “rarity” ng mga lalaki, ang ilan sa mga babae ay ina-assume na sila ay mayroong masculine role—na tinatawag na “pseudocopulation.”
Ito ay isang teknik at paraan upang sila ay makabuo ng mga panibagong organismo.
Sadyang malawak at makulay ang biodiversity hindi lamang sa Pilipinas, maging sa buong mundo.
Ang mga hayop na ito ay mga buhay na patunay na ang queerness ay natural na bahagi ng reyalidad at kapaligiran.