July 08, 2026

Home BALITA Probinsya

Lalaking 'newly grad,' binaril sa harap ng eskwelahan!

Lalaking 'newly grad,' binaril sa harap ng eskwelahan!
Photo courtesy: Unsplash

Sugatan ang isang 30 taong gulang na lalaking kaka-graduate pa lamang matapos siyang barilin sa harapan ng mismong eskwelahan sa Davao de Oro nitong Huwebes, Hunyo 25, 2026.

Ayon sa ulat ng Pantukan Municipal Police Station, kagagaling lang ng biktima sa kaniyang graduation rites para sa kursong Bachelor of Technology and Livelihood Education major in Home Economics nang maganap ang krimen.

Nangyari ang pamamaril matapos lumabas ng biktima sa campus. Nagtamo siya ng mga sugat mula sa tama ng bala ng baril at agad na isinugod sa ospital upang lapatan ng lunas.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na medical bulletin ang ospital hinggil sa kasalukuyang kondisyon ng biktima.

Nilinaw naman ng Local Government Unit (LGU) ng Pantukan na naganap ang insidente bandang 12:25 ng tanghali sa labas at hindi sa loob ng mismong bakuran ng Kolehiyo ng Pantukan.

Probinsya

13-anyos, bistado sa pagpapakalat ng 'death threat' sa principal at eskwelahan!

Sa isang opisyal na pahayag, kinumpirma ng lokal na pamahalaan na nakikipagtulungan na sila sa mga awtoridad para sa mabilisang pag-imbestiga sa kaso.

"The LGU said it is coordinating with law enforcement authorities and other concerned agencies to support the ongoing investigation and ensure that those responsible are held accountable under the law,” anang LGU.

Idinagdag din ng LGU na magpapaabot sila ng kinakailangang tulong at suporta para sa biktima at sa pamilya nito. Nananawagan din ang pamahalaang lokal sa publiko na manatiling kalmado at iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi kumpirmadong impormasyon habang gumugulong ang imbestigasyon. 

Tiniyak din nila na nananatiling prayoridad ang kaligtasan ng mga mag-aaral at ng buong komunidad.

Kasalukuyan pa ring inaalam ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa likod ng pamamaril. Maglalabas naman ang mga awtoridad ng karagdagang impormasyon sa oras na ma-verify ang mga detalye ng insidente.