July 23, 2026

Home FEATURES Trending

Homeowner, pinagtago sa bahay niya mga estudyanteng tumakbo sa pamamaril sa Tacloban City

Homeowner, pinagtago sa bahay niya mga estudyanteng tumakbo sa pamamaril sa Tacloban City
Photo courtesy: Agnes Montes-Canes Miranda (FB screenshot)

Pinasalamatan ng netizens ang isang homeowner sa Tacloban City na nagpatuloy ng ilang takot at natatarantang mga mag-aaral ng San Jose National High School, matapos ang nakagugulantang na insidente ng pamamaril dito noong Lunes, Hunyo 22. 

MAKI-BALITA: ALAMIN: Ilang detalye sa likod ng kauna-unahang school shootout sa Tacloban City

Mapapanood sa kuha ng CCTV ng homeowner na si Agnes Montes-Canes Miranda na dagsa ang mga mag-aaral na nagkukumahog na pumasok sa kaniyang tahanan sa kasagsagan ng shooting incident sa kanilang paaralan. 

Makikita rin sa nasabing video na ang ilang mag-aaral, dire-diretsong pumasok sa isang kwarto upang magtago, may ilang tila natulala pagkapasok sa loob, habang ang mga sumunod na batang pumasok at naipon sa sala hanggang sa pintuan ay pinaupo ng isang babae, na ayon sa maiksing panayam ng Balita kay Agnes, ay anak niya. 

Saad ni Agnes sa caption, halos katabi lang ng kaniyang bahay ang San Jose National High School kaya rito nagtakbuhan ang mga bata dahil sa takot. 

Trending

‘Wag n'yo akong patayin!' Pakiusap ng isang rider, kinaantigan

Aniya pa, sobrang sakit ang naramdaman niya nang makita ang mga bata sa ganoong kondisyon. 

“Ito ay kuha sa loob ng bahay namin sa Tacloban!.. halos katabi lang namin ang school sa San Jose sa bahay na ang takb[u]han nila dahil sa takot sobrang sakit ang nararamdaman ko para sa mga bata,” pakikisimpatya ni Agnes. 

Kaya ang CCTV footage na naka-post sa Facebook ni Agnes ay umabot ng 25.2K reactions at sa comment section, mababasang inulan ito ng pasasalamat at mga positibong reaksyon mula sa netizens. 

“Hala, M[a]m, salamat for providing temporary shields to those kids. May God bless your good heart.”

“God will bless you and your house a hundred folds ma’am!”

“buti nalang my mabait ng patuloy sa mga bata tr[a]uma aboy nila n[‘]yan”

“Ang bait nya di sya nagdalawang isip na baka mapahamak din sya. Salute salamat sa pagtulong mo sa mga bata. Diyos na ang magpapala sayo.”

“Mix emotions ang nararamdaman ko ina din ako naawa ako at naiiyak ako para sa mga bata nakakatrauma para sa mga bata ang ganyan sitwasyon buhay nila ang nakasalalay salamat kay ate sa pagpapapasok sa mga bata para maging safe sila.”