Ni DANTE A. LAGANA
Hanep ang batikang aktor na si Albert Martinez mahilig pala siyang mangolekta ng kotse. Sa virtual interview sa kanya ni Pia Arcangel ng Tunay Na Buhay (TNB) ng GMA-7 sinabi ng aktor na 21 ang lahat ng kanyang collections — vintage at modern cars.
Ayon kay Albert, ipinapagamit din niya ito sa kanyang bunsong anak na si Alfonso para ma-enjoy din ng kanyang unico hijo ang kanyang mga kotse. Malaki raw ang impact kay Albert ang pangongolekta ng sasakyan dahil naalala pa niya noong bata pa siya na kapag may nagugustuhan daw siyang kotse at kung may pera na siya agad daw niya itong binibili.
Sa tagal na sa showbiz ni Albert bilang aktor nasubukan na rin niyang magdirek ng pelikula at kinilala rin siya bilang magaling na direktor. Hindi talaga matatawaran ang likas na galing ni Albert dahil nasa dugo nila ang pagiging artist. Matutunghayan muli ang husay sa aktingan ni Albert sa pagbabalik niya sa GMA-7 sa teleseryeng Las Hermanas.
Nagbigay ng mensahe ang kapatid ni Albert na si Ronnie. Saad niya mapagmahal, maalaga at may malasakit sa pamilya si Albert. Ayon naman kay Alfonso, very loving at supportive Dad si Albert.
Napag-usapan din ang yumaong pinakamamahal na kabiyak ni Albert na si Liezel Martinez. Kita sa mga mata ni Albert ang lungkot at pangungulila nang sagutin ang tanong ng TNB sa kung ano ang pinakanami-miss niya kay Liezel.
“She’s my bestfriend. Ang namimiss ko rin yung moment namin yung talking, yung laughter enjoying mga conversations namin,”’sagot ni Albert.
Pero naiibsan ang kalungkutan ni Albert dahil nandiyan ang kanyang mga anak at mga apo. Kita naman sa kanyang socmed na nae-enjoy niya ang pagiging lolo sa bonding moments niya with his apos. Tanong pa ni Pia kung ready na bang magmahal uli at mag-asawa si Albert
“Right now hindi pa siguro. Ah but I’m not closing my doors if someone comes along na who will make my heart happy again. Why not, for now more on my focus muna with my kids and apos,” ang naging tugon ni Albert.