May 13, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Importante ba ang ‘English proficiency’ sa Pilipinas?

ALAMIN: Importante ba ang ‘English proficiency’ sa Pilipinas?
Photo courtesy: Unsplash

Inulan ng samu’t saring reaksyon sa social media ang nag-viral na “English Only Policy” ng isang pamantasan sa Cabuyao, Laguna, para sa lahat ng kanilang transaksyon, sa pasalita o pasulat mang paraan ng komunikasyon sa loob ng kanilang paaralan. 

Sa ngayo’y deleted post, inanunsyo ng pamantasan sa kanilang Facebook page ang nasabing anunsyo. 

"To uphold academic excellence and global competitiveness, Pamantasan ng Cabuyao (University of Cabuyao) will enforce the ENGLISH ONLY POLICY starting February 3, 2025," anunsyo ng pamantasan. 

"Effective on this date, all official transactions, classes, and interactions within the university must be conducted exclusively in English, both in written and spoken communication. This policy applies to students, faculty, staff, and all university personnel to cultivate a strong English-speaking environment." dagdag pa nila. 

Anila pa, layon ng direktibang ito magkaroon ng “globally competent graduates” ang kanilang paaralan. 

Human-Interest

Hospital levels sa bansa na mahalagang malaman ng bawat Pinoy

Ilan sa mga hindi napigilang magkomento ay ang propesor-manunulat na si Ferdinand Pisigan Jarin, na aniya, “atrasado” at “unconstitutional” ang direktiba dahil sa umano’y paniniwala ng pamantasan na tila superior na wika ang Ingles kaysa Filipino. 

"Meron pa rin talagang academics na naniwala sa mito na may superior na wika. Mga atrasado ang mind-set. Saka unconstitutional ito. Pakyu. Ayan, tunog-Ingles 'yan, ha," ani Jarin. 

MAKI-BALITA: 'English Only Policy' ng isang unibersidad sa Laguna, inulan ng reaksiyon

Gayundin ang isang mamamahayag na si Leo Laparan II, na nag-edit ng art card ng nasabing viral announcement post. 

Sa kaniyang caption, mababasa ang “‘EOP’ GONE WRONG?-- Before we implement policies such as this and demand our stakeholders to strictly comply, let's make sure we can do and are doing things correctly in relation to our policy. If we can't, let's stick to our pagmamahal sa sariling wika. Keri?"

Makikita rin rito ang hayagang revisions na kaniyang inilagay sa mga salita, abbreviation, at punctuations.

Kaya saad ng maraming netizens sa kaniyang edited na bersyon ng announcement, bagama’t “bloody” o madugo ang naging revision dahil sa pulang tinta na ginamit rito, sinusubukan pa rin ng pamantasan na pataasin ang bumababang English proficiency ng maraming Pilipino sa nagdaang 10 taon. 

MAKI-BALITA: 'English-Only Policy' announcement ng pamantasan sa Laguna, inedit ng journalist

Dahil dito, gaano nga ba kaimportante ang English proficiency sa Pilipinas? 

Ayon sa pag-aaral na “English as a Medium of Instruction (EMI): A pivotal approach to enhance english language proficiency in the Philippines,” bilang lingua franca, ang wikang Ingles ay ginagamit ng higit 1.5 bilyong tao sa buong mundo, kung saan higit 600 milyon dito ang gumagamit nito bilang kanilang ikalawang wika. 

Kaya sa sistema ng edukasyon sa maraming bansa, ginagamit ang wikang Ingles bilang paraan ng komunikasyon at paghahasa ng kakayahan upang maihanda ang mga mag-aaral sa pagharap sa iba pang kultura. 

Bilang “largest English-speaking nation” sa Asya, kasama ang wikang Ingles sa mga nagsisilbing mga opisyal na lenggwahe sa Pilipinas. 

Ang kulturang ito ay kapakinabangan para sa mga Pilipino na magkaroon ng iba’t ibang oportunidad ng pagkatuto at paghahanap-buhay dahil maraming industriya ang gumagamit ng Ingles bilang kanilang paraan ng komunikasyon. 

Bukod pa rito, ang kahusayang sa wikang ito ay pinaniniwalaang nakatutulong upang mapataas ang turismo sa bansa dahil sa mas mabilis na koneksyon at pagpapakilala ng kultura sa mga dayuhang bumibisita sa bansa. 

Bilang multilingual na bansa, ang wikang Ingles sa Pilipinas ay hinubog na ng kakaibang kulturang Pinoy mula sa mga nagdaang siglo, na nagresulta sa pagkakaroon nito ng kakaibang timpla sa pagbigkas, bokabularyo, at gramatika.