April 23, 2026

Home BALITA

Panibagong round ng rollback, aarangkada sa Abril 28!

Panibagong round ng rollback, aarangkada sa Abril 28!

Asahan ang panibagong bawas-presyo sa produktong petrolyo sa susunod na linggo, bagama’t inaasahang hindi na ito kasinlaki ng rollback na ipinatupad sa nakalipas na dalawang linggo.

Batay sa galaw ng presyo sa unang tatlong araw ng trading ngayong linggo, nananatiling pababa ang presyo ng diesel, gasolina, at kerosene kumpara noong nakaraang linggo, ngunit mas maliit ang ibinaba nito.

Mula Abril 20 hanggang 22, 2026, tinatayang umabot sa ₱10 kada litro ang bawas sa diesel, ₱1 kada litro sa gasolina, at ₱10.90 kada litro sa kerosene.

Mayroon pang dalawang araw ng trading na maaaring magbago sa magiging pinal na rollback, at hindi pa kasama rito ang tinatawag na risk premium costs.

Sa ilalim ng umiiral na state of national energy emergency, nauna nang inanunsyo ng pamahalaan na maaari nitong i-adjust ang halaga ng pagbabago sa presyo ng langis gamit ang sarili nitong formula.

National

'Walang pagsidlang tuwa at pasasalamat sa ICC!'—Atty. Conti

Ayon kay Jetti Petroleum President Leo Bellas, tiyak na magkakaroon pa rin ng rollback sa diesel sa susunod na linggo.

Gayunman, sinabi niyang maaaring mas maliit ito kumpara sa mga nakaraang linggo at posibleng manatili o bahagyang bumaba lamang ang presyo ng gasolina.

Ipinaliwanag ni Bellas na maaaring maapektuhan ang presyo ng langis sa huling dalawang araw ng trading dahil sa patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan, partikular sa Iran.

Aniya, bagama’t pinalawig ang ceasefire, nananatiling sarado ang Strait of Hormuz at may mga ulat ng pag-agaw ng Iran sa ilang sasakyang pandagat—mga salik na maaaring magtulak sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Matatandaang bago ang rollback, nakaranas ng limang sunod-sunod na malalaking pagtaas ng presyo ang petrolyo na umabot sa halos ₱90 kada litro para sa diesel at halos P36 kada litro para sa gasolina.

Sa nakalipas na dalawang linggo, bumaba naman ang presyo ng halos ₱50 kada litro sa diesel at halos ₱10 kada litro sa gasolina.