Ibinunyag ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Miyerkules, Abril 22, ang umano’y pagtanggap ng pamilya Duterte ng daan-daang milyon mula sa isang negosyante at umano’y drug lord.
Saad ni Trillanes sa kaniyang sinumpaang salaysay na kabilang sa mga nakatanggap ng milyones mula sa isang Davao-based businessman na si Samuel “Sammy” Uy ay sina dating pangulong Rodrigo Roa Duterte at kaniyang common-law partner na si Cielito "Honeylet" Avanceña.
Gayundin ang magkakapatid na sina Vice President Sara Duterte; Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte; Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte; at Veronica “Kitty” Duterte.
“[A]ng common-law wife ni Rodrigo Duterte na si Honeylet Avanceña, kasama pa ang kanilang anak na si Kitty Duterte, ang mga kapatid niya na sina Pulong Duterte at Baste Duterte, ay tumanggap ng pera o nag-encash ng daan-daang milyong halaga ng mga cashier's checks at/o mga personal checks mula sa isang kilalang Drug Lord na si Samuel Uy (na kilala rin bilang si ‘Sammy Uy’),” salaysay ni Trillanes.
Saad pa ng dating senador, aabot ang kabuoang halaga ng milyones na umano’y natanggap ng mga Duterte sa ₱181,653,487.55.
MAKI-BALITA: Pamilya Duterte, tumanggap ng daan-daang milyon sa drug lord—Trillanes
Dahil dito, sino nga ba si Sammy Uy?
Ayon sa iba’t ibang ulat ng media, si Uy ay isang negosyanteng mula sa Davao at isa siya sa naging campaign donors ni Rodrigo noong tumakbo ito sa pagka-pangulo noong 2016.
Batay sa isinumiteng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ni Rodrigo sa COMELEC noon ding 2016, ₱30 milyon ang naging ambag ni Uy sa kampanya, kabilang dito ang iba pang mga indibidwal ang negosyante na mula rin sa Davao at Metro Manila.
Saad naman ni dating Agriculture Sec. at kasalukuyang Cebu Food Security Adviser Manny Piñol sa kaniyang Facebook post, si Uy ay kaibigan na ni Rodrigo bago pa man ito pumasok sa pulitika.
“Yes, Sammy is an old friend of Rody Duterte long before the latter joined politics. Just like Duterte, he does not smoke or drink,” saad ni Piñol sa kaniyang post.
Aniya pa, si Uy, bilang parte ng isang Filipino-Chinese na pamilya, ay ipinagmamay-ari ang Davao Import Distributors Incorporated (DIMDI), na isa sa pinakamatagal nang appliance store sa Davao City.
Gayundin ang Davao Farms and Davao Import Distributors Inc.
“He belongs to an old Filipino-Chinese family which owns one of the oldest Appliance Stores in Davao City, DIMDI, and the pioneering Davao Farms involved in poultry and hogs,” ani Piñol.
Sa karagdagang pagsasaliksik naman ng GMA News, ibinaggit na mula 2012 hanggang 2022, umabot sa ₱800,000 hanggang ₱3 milyon ang personal loans ni Rodrigo kay Uy, batay sa Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng dating pangulo.