Nagbabala ang Kapamilya star na si Angelica Panganiban sa publiko matapos madiskubre ang isang pekeng Facebook page na umano’y nagpapanggap bilang opisyal na social media page ng kanilang negosyo ng mister niyang si Gregg Homan na Mangrove Resort Subic.
Sa social media post ni Angelica, sinabi niyang ginagamit ng naturang scam page ang pangalan at mga larawan ng resort upang makapanloko ng mga guest at makakuha ng bayad mula sa mga nais mag-book.
Ayon sa aktres, iisa lamang ang opisyal na Facebook page ng Mangrove Resort Subic at lahat ng kahalintulad na page ay peke at walang kaugnayan sa kanilang negosyo.
Binigyang-diin din niyang hindi sila tumatanggap ng bayad sa pamamagitan ng mga hindi opisyal na social media page. Pinayuhan niya ang publiko na huwag magpadala ng pera, personal na detalye, o booking information sa mga kahina-hinalang account.
Kasabay nito, hinikayat din ni Angelica ang publiko na iwasang mag-click ng mga hindi kilalang link o pumatol sa mga alok na tila “too good to be true."
Sa hiwalay na advisory ng legal counsel ng resort, sinabi na nakikipagtulungan na sila sa mga awtoridad upang matukoy at mapanagot ang nasa likod ng panloloko.
Pinayuhan din ang mga posibleng biktima na agad magsumbong sa kinauukulan at makipag-ugnayan sa opisyal na contact details ng resort.
“Stay alert and help us protect others by sharing this post,” mensahe ni Angelica sa publiko.