Kalahati o 50% ng mga Pilipino ang nagsabing mas lumala ang kanilang pamumuhay sa nakalipas na 12 buwan, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong Huwebes, Abril 23, 2026.
Batay sa SWS na isinagawa mula Marso 24 hanggang 31,2026, nasa 26% naman ang nagsabing walang nagbago sa kanilang kalagayan, habang 23% lamang ang nagsabing bumuti ang kanilang buhay.
Bunsod nito, bumagsak ang tinatawag na “net gainers score”—o diperensya ng mga nagsabing gumanda ang buhay at mga nagsabing lumala—sa (-26), ang pinakamababang antas sa nakalipas na apat na taon.
Malaki ang ibinaba nito mula sa (-7) noong Nobyembre 2025, na siya ring pagbaba mula sa +12 noong Hunyo 2025 at -2 noong Setyembre ng parehong taon.
Ayon sa SWS, pinakamalaki ang naging ambag sa pagbaba ng score sa mga respondent mula sa Mindanao at Metro Manila, na kapuwa nakapagtala ng -31. Gayunman, sinabi ng pollster na nakaranas ng “sharp decreases” ang lahat ng rehiyon.
Napansin din sa survey na mas bumababa ang net gainers score habang tumataas ang edad.
Pinakamataas ito sa mga nasa edad 18 hanggang 24 taong gulang, habang umabot sa napakababang -39 sa mga edad 55 pataas.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 respondent sa buong bansa, na may margin of error na ±3%.
Kasama sa survey ang tanong na:
“Kung ikukumpara ang uri ng inyong kasalukuyang pamumuhay sa nakaraang 12 buwan, masasabi ba ninyo na ang uri ng inyong pamumuhay ay mas mabuti kaysa noon, kapareho ng dati, o mas masama kaysa noon?”