Ni DANTE A. LAGANA
Kaabang-abang ang mangyayaring special season ng sikat na talent show ng TV5 ang dating Talentadong Pinoy na muling nagbalik at binuhay last August ng 2020 sa pangalang Bangon Talentadong Pinoy (BTP).
Sa pagbabalik ng naturang show maraming talentadong Pinoy na ang natulungan sa gitna ng pandemya. Sumabak sila at nagpakitang gilas sa kanilang angking talento. At take note tumataginting na P4 million na raw ang naibigay sa mahigit na 300 contestants na nagsipag-angat sa pagalingan at nagpabilib sa mga hurado.
This time mas bongga ang magaganap ngayong Sabado, Marso 13, sa ganap na 8:00 ng gabi dahil pawang mga celebrity talentados ang sasabak at magpapagalingan.
Sila ang “breakout star of the pandemic” na sina Kokoy de Santos, Sheree, celebrity magician Jeff Tam, PBBtwins Joj and Jai Agpangan at Aljur Abrenica na first time lalabas sa TV5.
Nagbigay naman ang pahayag ang mismong host ng show na si Ryan Agoncillo. Sey niya, “This has been an incredible season with interesting performances from celebrity contenders known as celebrity talentados.”
Ayon pa kay Ryan, sa celebrities na maglalaban-laban ay pagbabahagi ng isang mataas na antas ng kanilang talento.
Napa-“wow” na lang daw ang magaling na host sa pangmalakasang istorya na ipapakita ng mga celebrities sa pamamagitan ng kanilang talentong itatanghal sa Bangon Talentadong Pinoy.
Ang magsisilbing mga hurado sa mismong grand finale night ay sina Direk Cathy Garcia-Molina, Ruffa Gutierrez, at Joross Gamboa. Ang mapipiling pinakamahusay na celebrity ay mag-uuwi ng P100,000 in cash. Yun na!