Maagang naglabas ng pahayag si House prosecution panel member at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon para sa pagpili ng publiko, sa nakatakdang pagsisimula ng Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ngayong Lunes, Hulyo 6, 2026.
Sa inupload na video statement ni Ridon sa kaniyang “X” account umaga nitong Lunes, idiniin niyang kinakailangan daw pumili ng publiko simula sa araw na ito para sa katotohanan o pagtatakip ng katotohanan, pananagutan o kawalan ng pananagutan, at kung para daw sa hinaharap o madilim na nakaraan.
“Sa araw po na ito, kailangan po nating pumili,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Kung para ba tayo sa tama o para sa mali. Kung para ba tayo sa katotohanan o sa pagtatakip ng katotohanan. Kung para tayo sa pananagutan o sa walang pananagutan. Kung para tayo sa kasalukuyan at hinaharap o sa madilim na nakaraan.”
Ani Ridon, hayaan daw sana ng lahat na kusang magsalita ang mga ebidensya at katotohanan kaugnay sa mga alegasyong kinakaharap ni VP Sara magmula ngayong araw at sa mga susunod pa.
“Sa mga susunod pong mga araw, hahayaan po nating magsalita ang ebidensya. Hahayaan po nating magsalita ang katotohanan,” aniya.
Pagpapatuloy niya, hinihikayat daw niya ang publiko para piliin ang tama, katotohanan, pananagutan laban kay VP Sara para daw sa bayan.
“Kaya samahan niyo po kami na piliin ang tama. Piliin ang katotohanan. Piliin ang pananagutan. At sa huli't huli, piliin ang bayan,” pagtatapos ni Ridon.
Nakatakdang magsimula sa ganap na ika-2:00 ng hapon tuwing Lunes hanggang Miyerkules mula ngayong Hulyo 6 hanggang Hulyo 26 ang impeachment trial laban kay VP Sara.
Matatandaang nahaharap si VP Sara sa mga alegasyong kaugnay sa paggamit niya ng confidential funds na aabot sa mahigit ₱500 milyon sa Office of the Vice President at ₱112.5 milyon naman nang maitalaga siya bilang Kalihim sa Department of Education (DepEd).
Idagdag pa umano ang hindi maipaliwanag na yaman at kabiguang maihayag ng Pangalawang Pangulo ang kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Bukod pa rito, nahaharap din si VP Sara sa alegasyong pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos, at Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez.
KAUGNAY NA BALITA: House Prosecution Panel, 'very much ready' sa impeachment vs VP Sara!—Rep. Luistro
KAUGNAY NA BALITA: 61 upuan, bukas sa publiko sa bawat impeachment trial vs VP Sara—Senate Sec. Bantug