Muling natagpuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pambihirang halaman na “Ophiorrhiza biflora” sa Mount Apo Natural Park matapos itong akalaing nawala sa loob ng 122 taon.
Batay sa pahayag ng DENR Davao Region noong Miyerkules, Hulyo 1, ang Ophiorrhiza biflora ay unang natagpuan sa Mount Apo noong Oktubre 1904, ng isang American botanist na si Edwin Bingham Copeland.
Ito ay kabilang sa mga uri ng rubiaceae ng mga namumulaklak na halaman, na kinabibilangan din ng coffee, gardenia, mussaenda, at santan.
Bukod sa Mt. Apo sa Davao City, ang mga eksperto ay nakapagtala rin ng buhay ng Ophiorrhiza biflora sa Benguet at Negros, ngunit mas maituturing na milestone sa botanical research ng Pilipinas ang pagkakatagpo nito sa Mt. Apo dahil dito naitala ang kauna-unahang photographic documentation nito.
Ayon pa sa DENR Davao Region, bago ang ang muling pagkakatagpo ng Ophiorrhiza biflora, naitala na rin ang isa pang muling discovery ng pambihirang plant species na “Agalmyla calalenensis” noong 2025, na unang natagpuan noong 1909 sa Mt. Apo rin.
Ang mga pagkakatagpo ng mga pambihirang uri ng halaman ay nagpapakita ng pagiging hitik ng kagubatan sa Mt. Apo, at ang importansya ng sustain biodiversity monitoring, siyentipikong pag-aaral, at habitat proteksyon upang maingatan ang likas na pamana ng Pilipinas.