July 07, 2026

Home BALITA

Alex Eala, 'detoxifier at unifier' ng Pinas!—Sen. Ping

Alex Eala, 'detoxifier at unifier' ng Pinas!—Sen. Ping
Photo courtesy: via MB

Nagbigay ng mensahe ng paghanga si Sen. Panfilo "Ping" Lacson kay Filipina tennis sensation Alex Eala matapos nitong itala ang pinakamalaking panalo sa kaniyang karera sa 2026 Wimbledon Championships.

Sa isang social media post, nitong Linggo, Hulyo 5, 2026, inilarawan ni Lacson si Eala bilang inspirasyon ng bansa sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng Pilipinas.

"She is the detoxifier that our country’s highly toxic atmosphere needs and an influential unifier of a deeply divided nation. Thank you Alex Eala for lifting the Filipino spirit. God bless you and the Philippines,” anang senador.

Ang mensahe ay inilabas matapos ang makasaysayang tagumpay ni Eala laban sa defending Wimbledon champion na si Iga Swiatek ng Poland sa ikatlong round ng torneo.

KAUGNAY NA BALITA: Alex Eala, rumatsada sa Wimbledon; pinabagsak defending champion!

National

'Walang bise presidente na handang magpapatay ng presidente... ngayon lang!'—Luistro

Sa laban na tumagal ng mahigit dalawang oras sa Centre Court, tinalo ng 21-anyos na Filipina si Swiatek sa iskor na 7(11)-6(9), 6-2, dahilan upang tuluyang mapatalsik ang naghaharing kampeon at makapasok si Eala sa Round of 16 ng Wimbledon.

Ito rin ang pinakamalayong narating ng isang Pilipino sa kasaysayan ng Grand Slam tennis. 

Bukod sa pagtatala ng panibagong kasaysayan para sa Philippine tennis, ito rin ang ikalawang pagkakataon na natalo ni Eala si Swiatek matapos din niyang manaig laban sa Polish star noong 2025 Miami Open. 

Matapos ang laban, nagpahayag ng pasasalamat si Eala sa pagkakataong makaharap ang isa sa pinakamahusay na manlalaro sa mundo.

Sa susunod na yugto ng torneo, makakaharap ni Eala ang Italian star na si Jasmine Paolini para sa puwesto sa quarterfinals, habang patuloy na umaasa ang mga Pilipino na maipagpapatuloy niya ang kaniyang historic run sa prestihiyosong Grand Slam tournament.