July 07, 2026

Home SPORTS

Alex Eala, rumatsada sa Wimbledon; pinabagsak defending champion!

Alex Eala, rumatsada sa Wimbledon; pinabagsak defending champion!
Photo courtesy: Wimbledon/FB

Isang makasaysayang panalo ang muling iniukit ni Filipina tennis player Alex Eala matapos niyang talunin ang defending champion na si Iga Swiatek ng Poland, 7(11)-6(9), 6-2, sa ikatlong round ng Wimbledon sa Centre Court noong Sabado, Hulyo 4, 2026.

Umalagwa ang 21-anyos na si Eala sa Round of 16 ng prestihiyosong Grand Slam tournament—ang pinakamalayong narating ng isang Pilipino sa kasaysayan ng Wimbledon at sa kaniyang karera sa Grand Slam.

Matapos ang mahigit dalawang oras na laban, nagpahayag ng pasasalamat si Eala at pinuri pa ang kaniyang nakatunggaling si Swiatek.

"I don't know how to describe it. I mean, I've been to the second week of a slam and it's amazing for me. Iga is a phenomenal player and a really nice person,” ani Eala.

Dagdag pa niya, "So I'm really grateful to be able to share Center Court with her at Wimbledon nonetheless."

Wimbledon, bumati kay Alex Eala sa wikang Filipino: 'Buo ang suporta ng Pilipinas sa'yo!'

Naging dikit ang unang set matapos makabawi si Swiatek mula sa pagkakalubog at maitulak ang laban sa tiebreak. Gayunman, nanaig si Eala matapos ang matinding palitan ng puntos upang makuha ang unang set.

Sa ikalawang set, mabilis na nakalamang ang Filipina ng 4-0. Bagama't nakabawi ng dalawang laro si Swiatek, hindi na nito napigilan ang matatag na laro ni Eala na nagtapos sa panalo sa loob ng dalawang oras at 15 minuto.

Ito rin ang ikalawang pagkakataon na tinalo ni Eala si Swiatek matapos din itong manaig laban sa Polish star sa Miami Open noong 2025.

Sa susunod na yugto ng torneo, makakaharap ni Eala ang Italyanong si Jasmine Paolini para sa puwesto sa quarterfinals.