NAKAPAGTALA ng malaking panalo si Woman National Master Jean Karen Enriquez tangan ang itim na piyesa laban kay Jinky Catulay sa 73 moves ng Scandinavian Defense sa Board 3 at rendahan ang Laguna Heroes sa 18-3 victory kontra sa Toledo City Trojans sa All Filipino Conference Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) nitong Miyerkoles sa online tournament lichess platform.

‘I’m very happy with my game,” sabi ni WNM Enriquez, dating top player ng Jose Rizal University chess team.
Pinangangasiwaan ang Laguna Heroes nina Philippine Executive Chess Association (PECA) president Dr. Alfredo “Fred” Paez, Engr. Benjamin Dy, Engr.Jonathan Mamaril at Mr. David Nithyananthan.
Panalo din si Arizona, US based two-time Asian Junior Champion Grandmaster Rogelio “Banjo” Barcenilla Jr. tangan ang itim na piyesa kay Ronald Ganzon sa board one, pinayuko ni Fide Master Jose Efren Bagamasbad si National Master Carlos Cabuenos sa board four, kinaldag ni Vince Angelo Medina si Richard Natividad sa board six at pinasuko ni Kimuel Aaron Lorenzo si Christopher Tubalado sa board 7 para magwagi sa rapid section, 12-2.
Tabla naman ang naganap kay Fide Master Austin Jacob Literatus kontra kay National Master Rogelio Enriquez Jr. sa board two at naki hati ng puntos si Grandmaster John Paul Gomez kay National Master Rommel Ganzon sa board five.
Ang Laguna Heroes na suportado ng Greatech Philippines, Inc., SDC Global Choice at ng Jolly Smile Dental Clinic ay nagwagi din sa blitz portion, 6-1, kontra sa Toledo City Trojans.