ni Marivic Awitan
DAGOK sa hinahangad na NBA career ang kalituhan sa pag-uwi ni Kai Sotto sa bansa para makiisa sa Gilas Pilipinas.
Nabigong makasama ang 7-foot-2 Pinoy cage phenom sa koponan ng Ignite sa kasalukuyang NBA G League Season .
Sa opisya na pahayag ng NBA G League nitong Martes, ipinahayag na hindi na pinayagan si Sotto na makapasok sa G League bubble sa ESPN Wide World of Sports sa Orlando, Florida bilang bahagi ng ipinapatupad na ‘safety and health’ protocol.
“Kai and the team both understood the challenges for him to rejoin Ignite given the current international travel constraints, quarantine times, and health and safety protocols,” pahayag ni NBA G League President Shareef Abdur-Rahim.
Nitong Agosto, lumagda si Sotto sa G League elite prospects program ng Ignite. Kasama niya sina 2021 NBA Draft prospects Jalen Green, Daishen Nix, Isaiah Todd, Jonathan Kuminga at Principal Singh sa Ignite training camp sa Walnut, Creek.
Pansamantalang lumabas si Sotto sa Ignite camp makaraang magpaalam na maglalaro para sa Gilas Pilipinas sa Doha window ng 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers nitong Pebrero 18-23. Ngunit sa kasamaang palad,kinansela ng FIBA ang torneo sa Qatar dahil din sa COVID-19 pandemic.
Dahil dito pinabalik na lamang ng Samahang Basketbol ng Pilipinas si Sotto sa US sa pag-asang makakalaro pa ito para sa G League na nagsimula nitong Pebrero 10.
“Kai will always be part of the extended Ignite family and we wish him continued success as he pursues his NBA dreams,” sambit ni Abdur-Rahim.
Nagpahayag naman ng suporta ang SBP sa susunod na hakbang ng kampo ni Sotto.