ni Nitz Miralles
MUKHANG hindi pa okay sina Janno Gibbs at Kitkat kahit pinag-usap at pinag-ayos na sila pagkatapos magka-isyu sa taping ng noontime show ng Net25 na Happy Time. Ayon sa balita, sinigawan at minura ni Janno si Kitkat dahil feeling nito mas kinampihan ni Kitkat si Marco Sison na guest noon sa hino-host nilang show.
Hindi raw tinapos ni Janno ang taping, nag-walkout sa rehearsal pa lang at hindi na bumalik. Naiwan si Kitkat na solong nag-host ng segment at ng show. Segment na hindi na raw ipalalabas dahil nagdesisyon ang Net25 na gawin ng live ang nasabing segment.
Kaya, pinag-ayos sina Janno at Kitkat para nga naman sa show lalo na at live sana sila ngayon. Pero sa nangyari, hintayin natin kung matutuloy ang live episode dahil baka pareho silang hindi sumipot, walang magho-host sa Happy Time.
Post ni Janno sa kanyang Instagram: “Nagpakumbaba na po ako. Tiniis ko ang pangba bash ng mga tao sa akin at sa aking pamilya. Humingi napo ako ng tawad, kahit na siya ang tunay na nagumpisa ng lahat. I was provoked. Pinahiya sa harap ng maraming tao sa studio. Pinag-ayos napo kami kanina. Akala ko ay ayos na. Tinanggap ko na po kahit hindi niya ako sinuklian ng paumanhin. Ngunit ngayong gabi ay nagpost na naman sya. Pinalalabas na wala siyang kasalanan. Hindi ko na po kayang palampasin ito. Kailangan ko nang ipagtanggol ang aking reputasyon at higit sa lahat ang aking mga anak, na nakakatanggap din ng batikos sa mga tao. Oras na para malaman ng tao ang buong katotohanan.” Inalmahan kasi ni Janno ang post ni Kitkat sa Facebook pagkatapos nilang pag-ayusin na para raw pinalalabas ni Kitkat na kasalanan ni Janno ang nangyari sa taping ng kanilang show. Sabi ni Kitkat, nahirapan siyang magpatawad noong una, pero naisip si Cherry Pie Picache na nagawang patawarin ang mga pumatay sa kanyang ina. Saka, lumaki rin daw siyang isinaisip ang mga salita ng Diyos.
“I grew up na pinapahalagahan ang word of God at sagrado Katoliko kami at lumaking may takot sa Diyos. Kaya humawak ako ng Bible at I choose to be the bigger person.”
Pinatotohanan nito na totoo ang mga nasulat na pagmumur at pang-aaway sa kanya ni Janno sa taping.
“Totoo naman lahat ang nangyari. Nasaktan ako ng sobra, galit pamilya ko. Pero sino ba naman ako para hindi magpatawad? Everybody needs a second chance kahit sabi ng iba na ilang chance na ‘yan kay Kuya Janno.”
Pinasalamatan ni Kitkat sa ang lahat na nagpaabot ng mensahe ng suporta at pagmamahal ng mga kaibigan at netizens.
“Maraming salamat sa suporta at pagmamahal ninyo. Dahil ako po ay minamahal ninyo at alam kong blessed ako, AKO PO AY NAKAPAGPATAWAD NA! Sino ba naman ako para hindi magpatawad, ang DIYOS pinatawad ako sa mga kasalanan ko, nararapat lamang na ako ay magpatawad... makakagaan sa aking buhay at loob...
“Opo sa lahat ng nangyari...totoo po lahat yun, pero again AKO PO AY NAGPAPATAWAD NA... thank YOU LORD for the strength,” pagtatapos ni Kitkat.